Gutom, sakit, pumatay sa 3 batang 'bakwit'

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 06:32 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:58 AM

  • Dehydration, diarrhea, pneumonia, 'kalaban' ng mga bata
  • Bigas, presyong 'ginto', ayon sa ilang ulat
  • Tulong para makabangon, planong ihatid
  • Conjugal room ng mga 'bakwit', nakatapat sa prayer room, di magamit
  • Negosyo at turismo sa Iligan, apektado ng bakbakan

Tatlong batang 'bakwit' ang namatay, habang daan-daang iba pa ang may sakit sa mga evacuation center na tinakbuhan ng mga sibilyang lumisan sa gulo sa Marawi City. Ramdam ang gutom at maraming ulat na hindi mapigil ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin. 

Tila bagong silang na sanggol ang walong buwang gulang na si Mostmera. Nangangayayat ito dahil bukod sa malnutrisyon, tinamaan na rin ito ng pneumonia. 

Isa lang si Mostmera sa daan-daang batang dinadapuan ng sakit dahil sa sitwasyon sa mga evacuation center. 

Siksikan na ang mga dating maluluwag na covered courts sa Lanao del Sur at sa Iligan dahil sa pagdating pa ng mga tao kaya mas madali ring nagkakahawaan ng sakit. 

Dumarami pa ang mga pamilyang dumarating sa evacuation center sa Iligan City. Photo by Dynah Diestro, ABS-CBN News.

Mula June 8 hanggang kahapon, ilang batang bakwit na sa Saguiaran, Lanao del Sur ang namamatay. 

"We have three deaths here all because of severe dehydration... Cases of diarrhea and pneumonia are going up," ayon kay Dr. Nariman Lao Taha, volunteer doctor sa evacuation center. 

Bigas, P200 o higit pa kada kilo

May naiulat naman sa Department of Trade and Industry na ibinebentang bigas sa Marawi na nagkakahalaga ng P225 kada kilo. Ito'y sa kabila ng ipinatutupad na price freeze kasunod ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao. 

Aminado naman ang DTI na wala silang magagawa sa isyu ng mahal na bigas sa ngayon dahil nasa kamay pa ng Department of Agriculture kung magkano ang itatakda nilang presyo sa Mindanao. 

Hindi naman naniniwala ang DA na may bigas na binebenta sa halagang higit P200.

"Sa Marawi, kahit umabot 'yan ng P500, sino'ng bibili doon? Walang tao doon. Saka, I don't believe that. May supply ng bigas sa evacuation center. DTI na raw po bahala sa rice price monitoring in general," ayon kay DA Secretary Manny Piñol. 

Hindi naman daw gumalaw sa presyong P27/kilo ang NFA rice, at nananatili naman sa P38-50 kada kilo ang commercial rice.

Stable rin ang na-monitor na presyo ng mga construction material at canned goods. 

Magtitipon ang National Price Coordinating Council sa Huwebes upang pag-usapan ang price freeze. 

Pautang at mga pabaon para sa muling pagbangon

Upang makabawi naman ang mga mangingisda at magsasakang mula sa pinsalang dala ng kaguluhan sa Marawi, naglatag na ng planong pautang ang Department of Agriculture. 

Sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program, naglaan ang pamahalaan ng tig-P5,000 na survival loan, at tig-P20,000 para sa rehabilitasyon sa oras na matapos ang bakbakan. 

Ipinagiling na rin ng DA ang nasa 3,000 sakong low germination seed na palay na kasama sa mga ipinamimigay na bigas ng Department of Social Welfare and Develompent. 

Nakahanda na ring ipamigay sa evacuees, mga pulis at sundalo ang 10,000 food packs na mga halal na pagkain mula Davao.

Para sa hanggang dalawang tao ang isang pakete, at puwedeng tumagal nang hanggang dalawang taon. 

Mga medyas, hygiene kit, ready-to-eat na pagkain, at mensahe ng inspirasyon naman ang pabaon ng Philippine Army-Civil Military Operations group sa Project #OGOP-Marawi.

Higit 2,000 packs na ng hygiene kits at ready-to-eat na pagkain na ang naipamigay sa front line sa Marawi. 

Ang 'ogop' ay isang salitang Maranao na nangangahulugang 'tulong'-- ang pinakakinakailangan ngayon ng mga biktima ng kaguluhan sa Marawi. 

-- Ulat nina Raphael Bosano, Jacque Manabat, Carolyn Bonquin, Dynah Diestro, at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.