Conjugal room ng mga 'bakwit', nakatapat sa prayer room, di magamit

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 07:01 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:40 AM

Pilit na tinutugunan ng Iligan City Social Welfare and Development Office (CSWD) ang lahat ng pangangailangan ng mga lumikas mula Marawi City upang kahit papaano ay maramdaman nila na unti-unting bumabalik sa normal ang kanilang buhay. 
 
Maliban sa pagkain, may conjugal room o pribadong kuwarto ring inilaan para sa mga mag-asawa at kanilang pangangailangang pisikal.

Iyon nga lang, dahil wala nang ibang lugar na mapaglagyan nito, nakapuwesto ang conjugal room sa tapat ng prayer room.

Ayon kay Josie Mabanta ng CSWD, hindi rin halos nagagamit ang pribadong kuwarto dahil Ramadan ngayon, panahon ng pag-aayuno ng mga Muslim.

Sa evacuation center naman sa Buru-un, problema ang palikuran kaya nakikigamit sila sa banyo ng Bureau of Fire Protection.

Humingi na ng portalets ang CSWD sa Department of Health para may magamit na palikuran ang mga evacuee. May mga itinalaga ring pamilya na tutulong sa paglilinis.

Nakatuon din sa paghahanapbuhay ang ibang bakwit na gumagawa ng paraang magkaroon ng maliit na tindahan sa kanilang puwesto sa evacuation center. 

Kuwento ng bakwit na si Jocelyn Lagata, batid nilang hindi sila habambuhay na puwedeng dumepende lang sa mga darating na tulong. Kaya mahirap man ang sitwasyon sa evacuation center, dumidiskarte pa rin ang kaniyang mister sa paghahanap ng pagkakakitaan para matustusan silang mag-anak.

Negosyo at turismo sa Iligan, apektado ng bakbakan

Lubhang apektado ang negosyo at turismo sa Iligan City dahil sa tensiyon sa patuloy na bakbakan sa Marawi City at banta rin sa seguridad ng lungsod.

May isang resort sa Iligan na pansamantalang nagsara kasabay ng pagdalang ng mga pumupunta sa iba’t ibang tourist destinations doon.

Kuwento ng may-ari ng Spring Pools na si Wilson Maro, mula sa 200 bisita kada araw, maigi na kung may limang tao pang pupunta sa kanila ngayon. 

Nagbawas din ng empleyado ang isang kainan sa Barangay Buru-un. Kuwento ng tindera roong si Flora Genelazo, nakiusap pa sila sa amo nilang huwag silang tanggalin.
 
Dahil dito, idinaing na ng Chamber Of Commerce kay Iligan Mayor Celso Regencia ang epekto ng isyung panseguridad at ipinatutupad na curfew sa kanilang mga negosyo. 
 
Tatanggalin na sana ng alkalde ang curfew pero nag-abiso ang militar na ipagpaliban na muna dahil sa sitwasyon.
 
Umaasa naman ang mga negosyante na hindi magtatagal ang sitwasyon sa Iligan, at maibabalik ang tiwala ng mga turista sa ibinibigay na seguridad ng mga awtoridad.

Nito lang Linggo, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na kung nasunod ang plano ng Maute group, lulusubin din umano ng mga terorista ang Iligan.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.