PANOORIN: Pagsabog sa nasusunog na pabrika sa Davao City

Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 04:01 AM

DAVAO CITY- Natupok ng apoy ang planta ng Sagrex Corporation sa Bario Pampanga, Lanang, Davao City, 5:25 ng hapon Lunes.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, umabot sa general alarm ang sunog dahil sa laki ng apoy at laki ng pinsala nito.

Ayon sa empleyado na si Boy Pancha,nagsimula ang apoy sa likurang bahagi ng planta.

Sa laki ng apoy, nasunog ang mga raw materials sa paggawa ng beta foam, polybag, seedling bags, at makina.

Suwerte umanong walang trabaho kanina dahil holiday.

Habang nasusunog ang planta ay biglang may sumabog mula sa loob. 

Sa tingin ng mga bumbero, isang tanke na ginagamit ng planta sa pagluluto ng plastic ang sumabog .

Ayon sa insiyal na report mula sa BFP, 13 ang sugatan at napaso sa pagsabog. Pito rito mula sa fire volunteers, tatlo mula sa BFP, dalawa mula sa Central 911 at isang sibilyan.

Alas 11:15 na ng gabi ideneklara ang fire-out sa nasunog na planta.

Inaalam pa ng BFP ang dahilan ng sunog at kung magkano ang danyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.