Lalaki, patay matapos sumalpok ang motorsiklo sa nakaparadang sasakyan

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 04:11 AM

ILOCOS NORTE – Dead on arrival sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital ang isang 24 taong gulang na merchandiser matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang nakaparadang sasakyan sa Barangay 21 sa San Nicolas, Ilocos Norte Sabado ng gabi.

Base sa imbestigasyon, pauwi na sana si Ruben Corpuz kasama ang kanyang sakay na isa ring merchandiser na si Leonil Molina nang bigla na lang silang sumalpok sa nakaparadang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Tumilapon ang dalawa sa lakas ng pagsalpok. Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawa.

Inoobserbahan ngayon sa ospital si Molina.

Lumalabas na nakainom ng alak ang mga ito. 

Labis naman ang paghihinagpis ng misis ni Corpuz lalo na’t tatlong maliliit na anak ang kanyang naulila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.