100,000 openings dito at abroad, inialok sa job fairs

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 07:29 PM | Updated as of Jun 13 2017 01:04 AM

Umabot sa 100,000 ang mga job opening sa Job and Business Fair na idinaos sa 12 rehiyon sa bansa na bahagi ng Independence Day celebration.
 
Sa Luneta, matiyagang sinuyod ng mga aplikante ang mga job opening kahit matindi ang sikat ng araw.
 
Hindi gaya noong Labor Day job fair kung saan mas marami ang mga aplikanteng bagong graduate, ngayon, mas marami ang mga aplikanteng dati nang nagtrabaho.
 
Tulad ni Raesha Ann Gomez na pitong taong cashier sa isang malaking mall, at si Lyne Butron na apat na taon namang naging cashier.
 
Trabaho sa abroad ang target nila. Dahil mahaba na ang job experience, 30 minutong interview lang, tanggap agad ang dalawa bilang cashier sa bansang United Arab Emirates.
 
Ayon naman sa manning agency na nag-hire sa dalawa, marami pa rin ang job opening sa Middle East, maging sa Qatar kahit may diplomatic crisis.
 
Si Romeo Colibao naman, 20 kopya ng resume ang bitbit.
 
Kasama siya sa mga umuwi at nagkaproblema sa Saudi noong isang taon at ngayon balak ulit mag-apply sa Saudi.
 
Labindalawang rehiyon sa bansa ang nagdaos ng job fair ngayong Independence Day.
 
Sa 100,685 na job openings, 40,570 ang sa abroad at 60,115 naman ang local employment.
 
Sa local employment, 44,648 ang job opening sa mga pribadong kompanya. Sa pamahalaan, 15,467 naman ang vacancy.
 
Kasama sa mga nangangailangan ng dagdag tauhan ang PNP, AFP Technical Service Team, Air Force, Philippine Army at Marines.
 
Ayon kay Capt. Rommel Macaraig, OIC ng Philippine Marine Recruitment, umiiwas ang mga aplikante dahil kinakabahan daw sa gulo sa Marawi.
 
Pero may ilang aplikante tulad ni Jerson Morequio na lalo pang tumindi ang pangarap maging sundalo dahil sa nangyayari sa Marawi.
 
Kuwento ni Jerson, gusto niyang makatulong dahil taga-Mindanao rin siya. 
 
Tatlong job fair sa Mindanao ang hindi natuloy dahil sa gulo sa Marawi.
 
Sa tala naman ng DOLE kaninang ala-una ng hapon, 7,369 ang kabuuang bilang ng nagparehistro sa mga job fair sa buong bansa.
 
Nasa 3,583 ang bilang ng mga aplikanteng kuwalipikado at 406 naman ang hired on the spot.
 
Maaari pa ring mag-apply sa pamamagitan ng Philjobnet website para sa lahat ng job opening na hindi mapupunan ngayong araw.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.