Dayuhang ninakawan ng bag sa Puerto Princesa, nanawagan gamit ang social media

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 06:12 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Gamit ang social media, humingi ng tulong ang isang dayuhang ninakawan ng bag sa loob ng isang resort sa BM Road, Puerto Princesa Linggo ng hapon.

Idinaan ni Daryl Urbanski sa pagpo-post sa kanyang social media account ang paghahanap sa lalaking kumuha sa kanyang bag.

Sa CCTV footage sa isang beach sa BM Road, makikita ang pagpasok ng isang lalaki sa entrance ng beach.

Ipinarada nito ang motorsiklo sa ilalim ng mga niyog at naglakad.

Maya-maya pa ay bumalik ito at muling sinakyan ang motorsiklo saka dumiretso sa mga cottage.

Pagkalipas ng dalawang minuto, muli itong nakita sa CCTV sakay pa rin ng kaniyang motorsiklo pero bitbit na nito ang kulay violet na bag at tuluyan nang umalis.

Ang bag na ito ay pagmamay-ari ni Urbanski.

Ayon kay Urbanski, pumunta siya at ang kanyang kasintahan nitong Linggo sa lugar. Inilagay lang umano nito ang kaniyang bag sa kanilang likuran.

"We sat down away from almost all the people were -- at a picnic table. And we put our stuff kinda behind us but not too far. Like kinda behind our backs. At one point my girlfriend said, ‘where’s our bags?’ At some point a lady came forward and said she saw a guy with a purple bag puling the case of the phone just past the exit," aniya.

Natangay kay Urbanski ang pera at dalawang cellphone. Ang masakit pa sa kanya, sa cellphone niya nakalagay ang tanging contact number ng tunay niyang mga magulang na kailan lang niya nakilala.

"I just found my biological mom and my biological father so I was an orphan and I just found my parents. I don't have their contact in phone or anywhere else but the phones. I just spent 35 years to find my parents and now just some guy takes my bag and I have to look for them all over again," ani Urbanski.

Kaya naman idinaan ni Urbanski ang paghahanap sa kawatan sa social media. Malaki ang pasasalamat nito na marami ang nais tumulong sa kanya na mahanap ang kawatan.

“It’s been really amazing and really supportive how serious people are taking it. It’s been a really amazing thing to see. I’m confident that were gonna find them and I’m hopeful that I’m gonna find the guy because everyone’s been so supportive,” ani Urbanski.

Nakapagsampa na ng reklamo si Urbanski sa pulis at patuloy pang pinaghahanap ang lalaki. Pero sa kabila nito, naawa rin umano siya sa kawatan.

"But honestly you should maybe feel some empathy for him. Because if he knew a better way to survive, he would. I almost feel sorry for him that he lacks the training or education," ani Urbanski.

Dahil sa tulong ng mga tao, umaasa si Urbanski na muling maibabalik ang kanyang mga gamit at sa kabila ng kanyang naranasan, naniniwala pa rin umano siya na ligtas pa rin sa Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.