Police convoy, tinambangan sa Lanao, 4 na umano'y Maute patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 05:38 PM | Updated as of Jun 11 2017 10:08 PM

Sugatan din ang tatlong pulis sa pananambang ng di pa nakikilalang armadong grupo sa police convoy. Samantala, pinagbantaan din ng umano'y miyembro ng Maute ang isang hotel na susunugin ito kung di ibibigay ang hiling ng mga terorista.

Apat na hinihinilang miyembro ng Maute group ang napatay sa Pantar, Lanao del Norte noong Sabado, Hunyo 10 matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang gunmen ang police convoy na magdadala sana sa kanila sa Cagayan de Oro.

Nakilala ang mga napatay na sina Zulkifli Maute, Alan Solaiman, Salah Abbas at Aliasgar Hadji Solaiman na naaresto kamakailan kasama ang ina ng mga lider ng Maute.

Ayon sa awtoridad, ililipat sana ng mga pulis ang 4 na hinihinalaang miyembro ng Maute sa Cagayan de Oro City para sa kanilang inquest proceeding nang mangyari ang pananambang sa kanilang patrol car. 

Nadala pa umano sa ospital sa Iligan City ang mga hinihinalaang terorista ngunit ideneklara ding 'dead on arrival' ng mga sumuring doktor. 

Tatlong pulis naman ang nasugatan sa ambush at agad ding dinala sa pinakamalapit na ospital. 

Kinilala ang tatlong pulis na sina PCI William Santos, PSI Jans Vladimir Hilarion, and PO1 Danny Giovanni.

Nag-deploy na rin ng tropa ng militar sa lugar, habang iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.

Wala pa ring ulat kung sino o anong grupo ang namaril sa police convoy.

Hotel, pinagbantaan umanong susunugin

Lalo pang naghigpit sa mga checkpoint papasok sa Iligan City kasunod ng isang text message na ipinadala sa mga pulis. Ayon sa mensahe, posibleng nakapasok na sa siyudad ang ilang miyembro ng Maute group. 

Ngayon, kapag may dumadaang sasakyan sa checkpoint, pinabababa ang lahat ng gamit sa loob nito para mainspeksiyon. Pati nga ang ilalim ng carpet ng sasakyan, kinakapa dahil baka may nakatago.

Kagabi, isang hotel sa Iligan ang nakatanggap din ng text mula sa isang nagpakilalang miyembro ng Maute group. Humingi raw iyon ng pagkain sa hotel. Nagbanta rin ang nagpadala ng text na susunugin ang hotel kung hindi ito magbibigay ng pagkain sa loob ng kalahating oras. 

Tumanggi nang magpa-interview ang hotel, pero sinabi nitong nagpunta ang pulis sa lugar para magbantay.

Tingin ng pulisya, maaaring sinasamantala lang ng nag-text ang pagkakataon para makakuha ng pabor. 

Patuloy na pinag-iingat ng mga awtoridad ang publiko. Kung may makikita ring kahina-hinala, mangyaring i-report agad ito sa mga pulis.

Iligan City Police Hotline:
0917-712 7411

-- Ulat nina Chiara Zambrano, Jeff Canoy, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.