Manggagawang walang benepisyo, dumulog sa DOLE

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 05:06 PM | Updated as of Jun 11 2017 10:10 PM

Sa pagawaan ng karton sa Canlubang, Laguna nagtrabaho bilang machine operator si alyas "Kulas."

Dahil kapos, tiniis niya ang hirap ng pagtatrabaho at ang kawalan ng benepisyo dulot ng pagiging kontraktuwal na empleyado. Dagdag pa ang panganib na araw-araw niyang hinaharap. 

Napag-alaman din ni Kulas na hindi naihulog nang tama ang mga kontribusyon niya sa Social Security System.

Idinulog ni Kulas, kasama ng dati niyang mga katrabaho, ang problema nila sa Department of Labor and Employment (DOLE). Nang magkaroon naman ng pagdinig ang DOLE sa kanilang reklamo, walang sumipot na sinumang kinatawan ng kumpanya para harapin ang mga reklamo.

Sa kabila nito, ayon sa DOLE, uusad pa rin ang reklamo ni Kulas laban sa kumpanya. Kung magmamatigas pa rin ang employer ni 'Kulas', iinspeksiyunin na ng DOLE ang inireklamong pagawaan para malaman kung ano-ano ang kanilang mga paglabag sa mga pamantayan ng paggawa.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.