AFP: Iligan City, sunod na lulusubin dapat ng Maute

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 11:20 PM | Updated as of Jun 12 2017 01:01 AM

Isiniwalat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na plano rin ng Maute group na maghasik ng lagim sa Iligan City kung hindi sila napigilan agad na makubkob ang buong Marawi.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, malaking bagay na nadiskaril nila kahit ilang araw ang planong pananakop ng Maute group sa lungsod ng Marawi.

Balak sana ng bandidong grupo na simulan ang paglusob noong Mayo 26, simula ng Ramadan. Plano nilang isara ang Marawi para ideklara itong sentro ng teritoryo ng ISIS sa Pilipinas. 

Islamic state o ISIS umano ang kausap ng Maute group tungkol sa kanilang plano.

Ayon naman sa commander ng Western Mindanao Command, hindi nila mapuruhan nang todo ang Maute-ISIS group dahil alam nilang maraming sibilyang naiipit sa loob.

Pero kinailangan nilang magsagawa ng airstrikes para mabasag ang mga pader ng gusaling pinagtataguan ng mga terorista.

Nilinaw naman ng AFP na puro Pilipino ang nagpaplano at nagsasagawa ng operasyon sa Marawi kahit pa nagpapalipad ng drone ang mga tropang Amerikano at lumipad na sa ibabaw ng Marawi ang intelligence-gathering aircraft ng Amerika.

Tiniyak ng AFP na napapalibutan na nila ngayon ang Maute-ISIS. Naisara na raw nila ang lahat ng kanilang puwedeng takasan.

Ngayong nasa kamay na nila ang magulang ng Maute brothers na tagapondo, tagapagpayo, at koneksiyon umano nila sa international terrorists, inaasahan nilang hihina lalo ang mga teroristang nasa loob pa rin ng Marawi City.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.