'Human shield, armas sa mosque, alas ng terorista'

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 06:27 PM | Updated as of Jun 10 2017 09:12 PM

Nahihirapan ang tropa ng militar na sagipin ang mga sibilyan dahil ginagamit ang mga itong panangga ng mga terorista na nakapuwesto sa mga masjid, kung saan din nakalagay ang kanilang mga armas. 

Ito ay ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, tagapagsalita ng Philippine Army 1st Infantry Division, nitong Sabado ng hapon.

"Ang key component na nakita namin dito during the firefight of the Marines, talagang ginagamit ng local terrorist group yung mosque. Doon talaga nakapwesto yung kalaban," ani Herrera. 

Gumagamit talaga sila ng human shields. Pangalawa, ginagamit nila ang mga mosque.. doon sila naglalagay ng armas nila

Ito ang sanhi ng pagkamatay ng 13 sundalo sa bakbakan ng gobyerno at grupong Maute noong Biyernes ng gabi. 

Miyembro ng Marines ang mga napatay habang sinasagip ang ilang trapped na mga sibilyan sa Marawi City, ayon kay Herrera. 

Ayon sa ilang military source ng ABS-CBN News, mayroon ding hindi bababa sa 51 na sundalong nasugatan sa bakbakan. 

Naganap ang bakbakan ilang oras matapos ianunsiyo ng militar na nais nilang maiwagayway ang bandila ng Pilipinas sa Marawi sa Lunes, Hunyo 12. 

2 magkapatid na Maute, patay sa bakbakan?

Kinukumpirma naman ngayon ng militar ang mga ulat na kasama ang magkapatid na Omar at Madie Maute sa mga napatay sa bakbakan. 

Mayroon umanong matinding indikasyon na kasama ang magkapatid na sinasabing kaugnay ng terorismo sa lugar, ayon kay Herrera. 

Gayunpaman, hindi binanggit ni Herrera kung kailan at sa kung aling operasyon ng militar sila maaaring napatay. Nasa ikatlong linggo na ang bakbakan sa pagitan ng militar at mga teroristang grupo sa Marawi. 

Sinabi rin ni Herrera na nasa Marawi City pa rin ang pinuno ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon. 

Kamakailan, nag-alok ang Pangulong Rodrigo Duterte ng pabuya para sa mga makahuhuli- buhay man o patay- sa magkapatid na Maute at kay Isnilon Hapilon. 

Kinumpirma na rin ng militar ang pagkakaaresto noong Biyernes ng hapon sa ina ng mga Maute na si Ominita Romato "Farhana" Maute.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News