Misis, tinaga ng lasing na mister sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 07:08 PM

ILOCOS NORTE—Tinaga ng isang lasing na mister ang kanyang misis sa bayan ng Pasuquin dito, Miyerkules ng gabi.

Taga sa kanang braso ang tinamo ni Jessica Abungan, 23, matapos siyang tagain ng mister niya na si Amiel.

Kwento ni Jessica, sinita niya lamang ang kanyang asawa dahil sa sobrang kalasingan.

"Sinabi ko na huwag na siyang magse-celebrate ng birthday niya sa bahay, dahil baka magwala ito sa kalasingan," ani Jessica.

Napikon umano ang kanyang mister, kumuha ng itak at tinaga ang biktima.

"Una yung likod ko pero hindi nasugatan pagkatapos sumunod na pagtaga niya, ayun braso ko na ang tinamaan, tumakbo ako sa kapitbahay at humingi ng saklolo," ani Jessica.

Pagkatapos ng insidente, agad namang nahuli ang suspek.

Ayon sa biktima, maraming beses na raw siyang sinaktan ng kanyang asawa.

"Walis, martilyo, screw driver at kung ano-ano pa, pinopukpok niya sa akin tuwing malalasing," ani Jessica.

Dagdag niya, tiniis niya ang pananakit ng kanyang mister dahil may dalawa silang anak na maliliit pa lamang.

Desidido naman si Jessica na magsampa ng kasong frustrated murder at paglabag sa Anti-Violence Against Women And Their Children Act Of 2004 laban sa kanyang asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.