Mangingisda, patay matapos masabugan ng dinamita sa Ilocos Sur

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 03:59 PM | Updated as of Jun 10 2017 02:32 AM

MAGSINGAL, Ilocos Sur- Patay ang isang mangingisda matapos sumabog sa kanyang kamay ang isang ginawang dinamita nitong Huwebes.

Nakakita umano ng grupo ng maraming isda ang 74 na taong gulang na mangingisdang si Amado Tayaba habang nasa laot sa may baybayin na sakop ng Barangay Namalpalan, ani Alvin Alvarez, kaibigan ng biktima.

Agad daw naglabas ng dinamita si Tayaba at ibabato sana ngunit hindi na ito nagawa.

“Basta tumayo siya, ibabato na sana [n]iya pero hindi niya nagawa. Sa ibabaw ng balsa doon tumunog tapos ayon nahulog na siya,” ani Alvarez.

Nagtamo ang biktima ng matinding sugat sa katawan at naputol ang parehong kamay nito.

Nagtulungan sina Alvarez at iba pang mangingisda upang maiuwi ang bangkay ni Tayaba at saka iniulat ang insidente sa pulis.

Inaalam naman ngayon ng pulisya kung kanino nabili ng biktima ang improvised na dinamita.

Lumalabas din na noong mga nakaraang taon ay may mga ulat na rin tungkol sa paggamit ng improvised na dinamita ng ilang mangingisda sa coastal areas ng nasabing bayan ngunit kalaunan ay natigil na rin.

“Meron daw instances na may nangyari na pero kailangan na ma-verify muna kung saang parte. Tapos dati raw may naraid na sila so tinitingnan namin kung may koneksyon pa ito kung saan sila kumukuha ng improvised na dinamita ngayon,” ani PSI Bryan Tacazon.

Muli namang nagpaalala ang pulisya na mabigat ang parusa sa mga mahuhuling nagsasagawa ng iligal na pangingisda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.