Kalbaryo sa tag-ulan: Maputik na temporary learning spaces sa Tacloban

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 08:35 PM | Updated as of Jun 09 2017 09:29 PM

Tuloy na ang klase ng mga estudyante sa mga temporary learning spaces sa relocation site sa Tacloban City para sa mga Yolanda survivors, pero problema ng paaralan ang maputik na mga classroom.

Problema ng mga guro at mag-aaral sa Guadalupe Heights Integrated School sa Tacloban ang putik hindi lang sa kanilang daanan kundi pati sa loob ng mga classroom.

Isa ang eskwelahan sa mga temporary learning space sa mga relocation sites para sa mga nakaligtas sa bagyong Yolanda, nagdulot ng matinding pinsala sa Eastern Visayas noong 2013.

Dahil temporary pa lang, gawa ito sa kahoy at hindi rin sarado ang buong classroom. Hindi rin sementado ang sahig sa classroom.

Kaya naman sa tuwing umuulan, pumapasok ang tubig sa loob ng silid, na nagreresulta sa maputik na sahig.

May kani-kaniyang diskarte na rin ang mga bata para makaiwas sa putik. 

May ilang teachers at estudyante ang naka-bota sa pagpasok. 

Ang ang iba ay kinakarga na lamang ng kanilang mga magulang, tulad ng ginagawa ni Rowena Batoto para hindi madumihan ang sapatos at uniporme ng anak.

Nais ng mga magulang at mga estudyante na maayos na ang problema.

Ayon naman sa principal ng paaralan, may budget nang nakalaan para sa pagsesemento ng mga classrooms doon.

Nag-usap na rin umano sila ng City Department of Education (DepEd) supervisor para sa pondo ng pagpapasemento.

Ayon sa DepEd, may endorsement na rin sila para sa pagpapagawa ng school building sa mga temporary learning space, pero hindi pa sigurado kung kailan ito sisimulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.