Magkapamilya, patay sa banggaan ng motorsiklo sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 06:03 PM

Patay sina Rodrigo Romero, 53, at Henry Tacla, 32, nang magbanggaan sa San Vicente, Ilocos Sur, Miyerkoles ng gabi.

ILOCOS SUR – Patay ang dalawang magkapamilya nang magbanggaan ang minamaneho nilang mga motorsiklo sa San Vicente, Miyerkoles ng gabi.

Idineklarang "dead on arrival" sina Rodrigo Romero, 53, at Henry Tacla, 32, nang magbanggaan dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo. Nakainom umano ang dalawa at wala ring ilaw ang kanilang mga motor.

Pareho ring sugatan ang mga angkas nila na sina Vic Rondero, 47, at Ronald Romero, 40.

Si Rodrigo ay salesman ng isang beverage company at driver naman si Tacla.

Pinaalala ng awtoridad na huwag magmaneho kung lasing at siguraduhing gumagana ang ilaw ng mga sasakyan kapag bumibiyahe ng gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.