Korupsiyon sa Camp Bagong Diwa, ugat umano ng riot ng mga preso

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 11:30 AM

MANILA - Ibinulgar Huwebes ng isang inmate ng Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa na init ng ulo dahil sa mga tiwaling prison official ang ugat ng riot ng mga preso nitong Martes, kung saan 2 ang nasawi at 15 ang nasaktan. 

Kuwento ng source ng ABS-CBN News, mainit ang ulo ng mga preso dahil sa kawalan ng tubig at kuryente sa piitan na pinagkakakitaan umano ng mga opisyal. 

Aniya, hinihingan ang mga preso ng P1 milyon para sa mga generator at pambili ng transformer na nasira mahigit isang linggo na ang nakakaraan. 

Nakakalap aniya ang mga inmate ng P500,000 para sa generator pero surplus umano ang binili ng mga opisyal kaya nasira rin ito matapos ang 2 araw ng paggamit. 

Dagdag ng source, pinapatungan ng mga opisyal ang mga paninda sa preso at hinahadlangan ang mga bisita na magpasok ng mga pagkain. 

Talamak din aniya ang droga sa MMDJ dahil hinahayaan itong makapasok ng mga opisyal. 

"Ang mga isiniwalat ko sa inyo ay ang dahilan kung bakit buryong ang mga tao sa MMDJ," ani ng source. 

Dagdag niya, lumala umano ang riot sa pagitan ng Bahala na at Sputnik Gang dahil hindi sila inawat ng mga bantay. 

"Hindi dapat lalala ang problema kung inawat lang nila kaagad, ang problema ang sabi ni [jail warden] Taol sa mga tauhan niya ay pabayaan na muna at mapapagod din mga nagra-riot, hanggang sa may napatay kaya naghanap ng bawi ang magkabilang pangkat," giit ng source. 

Sinubukan ng ABS-CBN News na makausap ang mga opisyal ng MMDJ, pero hindi sila sumagot sa mga tawag. 

Hindi rin nagpapapasok ng sinuman sa kulungan dahil nasa ilalim pa rin ito ng lockdown, Huwebes ng umaga. 

Tumanggi naman ang BJMP na pangalanan ang mga nasawing preso, pero natukoy sila bilang sina Lucky Natividad, 26 at Gerald Tolentino, 27 sa nakalap na dokumento ng ABS-CBN News. 

Kapwa may mga saksak at head injury ang 2 inmates. 

Nananatili rin ang kawalan ng kuryente sa kulungan. 

Nagbabala ang inmate na nakausap ng news team na mataas pa rin ang tensyon sa kulungan at nakahanda ang ilang miyembro ng Sputnik na umatake ano mang oras.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.