CBCP nagbabala laban sa pekeng pari sa Cubao

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 06:42 PM

MAYNILA - Nagbabala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) laban sa isang lalaking nagpapanggap umanong pari sa Cubao, Quezon City.

Isang Mark Robinson Buñag ang nagsasagawa umano ng misa sa mga komunidad na sakop ng Diocese ng Cubao.

Namimigay umano si Buñag ng mga sobre sa mga dumadalo sa misa upang mangalap ng donasyon.

Paglilinaw ng Simbahang Katolika, hindi umano na-ordinahan si Buñag at sa halip ay kabilang sa grupo ng "Catholic Church of the East."

Hindi rin nakalista si Buñag sa pinakahuling Catholic Directory of the Philippines.

Taong 2015 pa inirereklamo at pinaiimbestigahan ng CBCP sa pulisya si Buñag nang maaktuhang nagmimisa sa Pampanga.

Bukod dito, nalaman din na nagsagawa siya ng misa sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at Cavite nang walang celebret — isang dokumento mula sa simbahan na nagpapatunay ng pagka-pari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.