Klase sa 14 na paaralan sa Maguindanao suspendido dahil sa baha

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 06:45 PM

MOTHER KABUNTALAN, Maguindanao - Tatlong araw nang suspendido ang klase sa 14 na pampublikong paaralan dito dahil sa patuloy na pagbaha.

Ayon sa mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon at lokal na pamahalaan, inaasahan nilang magsisimula ang mga klase dito sa lugar sa loob ng dalawang linggo kung tuluyan nang huhupa ang baha.

Hindi nakasabay sa regular na pagbubukas ng klase ang mga paaralan nitong Hunyo 5. 

"Ire-resume ang klase kung wala nang tubig sa mga classroom," ani Anwar Salik, municipal administrator ng Mother Kabuntalan, Maguindanao.

Nauna nang sinabi ng pamahalaan na ang nagkumpol-kumpol na water lily sa tulay ng Datu Sahid sa bayan ng Datu Piang ang sanhi ng matinding pagbaha sa ilang bayan.

Ayon sa mga awtoridad, aabutin na ng isang buwan ang pagtatanggal sa walong-hektaryang lawak ng water lily na bumara sa daluyan ng tubig sa lugar.

Dagdag ng mga eksperto, mabilis umapaw ang ilog dahil "heavily silted" o halos barado na ang walong daluyan ng tubig sa probinsya.

Pinaplano na ng Kagawaran ng Pagawain at Lansangang Pambayan (Department of Public Works and Highways) ang pagsasagawa ng dredging operations upang muling dumaloy ng mabilis ang tubig sa ilog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.