Isa patay sa banggaan ng 2 motorsiklo sa Maynila

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 06:08 PM

Isa ang patay matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Oroquieta, Maynila.

Mabilis na sumalpok at tumilapon ang isang motorsiklo matapos siyang mabangga ng isang sumalubong na motorsiklo, Huwebes ng madaling araw. 

Tumayo ang nakabanggang motorcycle rider at ang angkas nitong babae nang alalayan ng mga residente.

“Pinipilit kong huwag sila umalis, pero sabi nila kukuha sila ng ambulansya,” ani Rodrigo Pulanco, executive officer ng Brgy. 345, Manila.

Ayon sa barangay, siniguro nila ang rider na hindi ito makukuyog sa lugar basta’t mananatili sila at hintaying dumating ang pulis. Pero tumakas pa rin ang suspek, at iniwan na nakahandusay ang biktima sa kalsada.

“Pinipigilan ko tapos biglang umarangkada muntikan na akong makaladkad. Sa tantsa ko mukhang lasing. Iyung takbo ng sasakyan niya wala sa ayos,” ani Pulanco.

Idineklarang “dead on arrival” ang biktimang kinilalang si Antonio Malinao matapos mabasag ang kanyang bungo. Humihingi ngayon ng hustisya ang naiwan niyang misis at dalawang anak. 

Dumulog sa National Bureau of Investigation-National Capital Region ang mga kaanak at ang opisyal ng barangay para ipaimbestiga ang kaso. 

Bagama’t may CCTV video ng aksidente, hindi matukoy ang suspek. Isang cartographic sketch na ngayon ang binuo ng National Bureau of Investigation base sa mga testigo. 

Maaaring tumawag sa himpilan ng NBI para sa mga makakapagbigay ng inpormasyon tungkol sa kaso: 5238-231 local 3519.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.