P79M pera, tseke, nasabat sa kuta ng Maute

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 05:51 PM | Updated as of Jun 07 2017 04:16 AM

Nasa P52 milyong cash at P27 milyong halaga ng tseke, o may kabuuang P79 milyong halaga ng pera ang narekober ng Philippine Marines sa isang bahay na pinagkukutaan ng grupong Maute sa Marawi City. 

Unang nakubkob ng tropa ang isang machine gun post bago nakita ang isang kalapit na bahay sa Mapandi na napagdiskubrehan ng perang ito. 

Nakita ang bulto-bulto at nakabalot ng plastic na P52 milyon na cash. Bukod pa ito sa P200,000 na nakasobre. 

Naka-'pay-to-cash' naman ang P27 milyon na tseke. 

Matapos makubkob ang kuta, agad sinuyod ang mga bahay sa paligid para alamin kung may mga sibilyan sa lugar. 

Ayon sa awtoridad, maaaring ang may-ari ng bahay ay isa sa 200,000 residenteng lumikas mula Marawi. 

Iimbestigahan na ng Armed Forces of the Philippines ang nadiskubreng pera sa kuta ng Maute, ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año. 

Magpapatulong ang AFP sa imbestigasyon sa ibang ahensiya tulad ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group. 

Ayon kay Año, dito malalaman kung gaano kalaki ang istraktura ng organisasyong kalaban ng militar at kung talagang tinutulungan ng malalaking drug group ang Maute. 

Sinabi naman ni Gen. Año na nasa sampung porsiyento na lamang ang ginagalawan ng Maute, ngunit ito ang commercial district ng Marawi kaya maraming gusali ang kanilang ginagalawan. 

Nagdagdag na rin ang militar ng puwersa para bantayan ang mga lugar na nabawi na ng pamahalaan at hindi na muling makubkob ng mga terorista. 

Akusasyong nagnanakaw ang mga sundalo, itinanggi

Pumalag ang Western Mindanao Command sa mga akusasyong pagnanakaw ng mga sundalong nakikipagbakbakan sa Marawi City. 

Hindi totoong pinagnanakawan ng mga sundalo ang mga bahay na pinapasok nila kasunod ng clearing operation, ayon kay AFP WesMinCom Commander Lt. Gen. Carlito Galvez. 

Aniya, lumilipat agad ang mga sundalo sa lugar na may mga posibleng sibilyan para mailigtas ang mga ito, at pumupuwesto sa mga posibleng pinagtataguan ng mga grupong Maute. 

Giit pa ni Galvez, hindi uunahin ng mga sundalo ang gumawa ng mga kalokohan kaysa ang pagtatanggol sa bayan at sa mga sibilyan. 

-- May ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.