2 miyembro ng NPA sangkot sa pangingikil, arestado

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2017 09:05 AM

DAVAO CITY – Dalawang kasapi umano ng New People’s Army (NPA) ang naaresto matapos ang isinagawang entrapment operation ng awtoridad nitong Lunes sa Ulas, Davao City.

Nakilala ang sinasabing mga NPA na sina Danny Boy Benting, 24, at Harold Devera, 18. Nahuli ang dalawa matapos na tanggapin ang ipinadalang pera ng biktimang si Roselle Ronquillo.

Ayon sa Calinan police, may isang nagpakilala umanong NPA na humihingi ng P30,000 mula kay Ronquillo.

Sa takot, nagpadala ng pera ang biktima at agad din ipinagbigay-alam sa awtoridad ang insidente.

Todo-tanggi naman ang dalawang suspek at sinabing ipinakisuyo lamang sa kanila ng isang kapitbahay na i-claim ang pera.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang awtoridad para malaman ang background ng mga suspek.

Kakasuhan ng kasong extortion ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.