Sekyu sa dinaanan ng 'Resorts' gunman, walang armas

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2017 05:56 PM | Updated as of Jun 06 2017 01:38 AM

Isang hindi armadong lady guard ang nagbabantay sa second floor parking entrance kung saan dumaan ang Resorts World Manila gunman na si Jessie Carlos.

Ilan lamang ito sa security lapses o pagkukulang sa seguridad sa Resorts World entertainment complex, ayon sa ahensiya ng gobyernong nangangasiwa sa mga kumpanyang nag-e-empleyo ng mga guwardiya. 

Hindi naharang ng unang guwardiya ang suspek dahil pinagbantaan umano siya na babarilin kaya ini-radyo na lang niya ito, ayon kay Chief Supt. Jose Mario Espino, hepe ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA). 

Hindi rin naharang ng roving guard ang suspek, at tumawag lang din sa kanyang superior sa telepono. 

"Bakit hindi na-alert din ang casino personnel? Kase sabi, na-radyo, so may 2nd guard na kinonfront siya from the entrance to the middle part, kinonfront siya ng isa pang guwardiya. Sabi ng guwardiya, hindi niya rin ma-engage kase nag-panic na ang mga tao roon. Tapos tumawag daw siya sa emergency telephone, ang labo. Delayed na talaga 'yon kung hahanap pa siya ng telepono," aniya.

Base ito sa inisyal na ulat na isinumite sa PNP ng NC Lanting Security Specialist Agency, isa sa mga security provider ng Resorts World Manila. 
 
Ang NC Lanting Security Specialist Agency ang nakatalaga sa seguridad sa mall area, parking at perimeter security ng Resorts World, kung saan mayroon itong 200 personnel on-duty. 
 
Ayon kay Espino, mabagal ang pagresponde ng mga guwardiya sa sitwasyon.

Hindi rin umano agad nakatugon ang in-house security personnel ng Resorts World, taliwas sa naunang pahayag ng management na in-house security ang unang kumompronta sa suspek.

Gustong malaman ng PNP-SOSIA kung sino ang "ultimate responder" matapos na maipasa ang impormasyon. Ito ang susunod na ipinasusumite sa security agency, ayon kay Espino. 

Security summit

Idaraos sa Miyerkules ang isang security summit para hindi na maulit ang nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila hotel-casino, na inatake ng nag-iisang gunman matapos ang Biyernes ng hatinggabi. Lampas 36 ang namatay sa atake, kabilang ang gunman.
 
Ayon kay National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde, dadaluhan ito ng security heads ng mga hotel, resort at mall sa bansa.

Walang standardized security code ang pilipinas sa ngayon, ayon kay Albayalde. 

"We really have no standard on security. We don't have security code yet of the Philippines. That's what we are trying to push through. We have to investigate that. That will be part of our investigation, particularly security lapses, including training of their security guards," aniya. 

Imbestigasyon

Naniniwala naman si Albayalde na may pananagutang sibil at kriminal ang Resorts World. 

"We have created our special invesgation task group... We will count the investigation of (National Bureau of Investigation), they are conducting parallel investigation on this case... I'm sure there will be liability here both civil and criminal."

Iniutos na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso tungkol sa naging atake sa Resorts World Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.