Mga estudyanteng 'bakwit', inampon ng mga bagong paaralan

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2017 06:22 PM | Updated as of Jun 06 2017 02:20 AM

Sa unang araw ng pasukan, balik-eskuwela na rin sa probinsiya ng Lanao del Norte at Lanao del Sur.

Iyon nga lang, sa ilang paaralan, imbes na estudyante, kadalasa’y evacuees ang matatagpuan sa mga silid-aralan. Sila ang mga ‘bakwit’ na lumikas mula sa bakbakang militar at Maute group sa Marawi City.

Pagtitiyak naman ng Department of Education (DepEd) sa Lanao del Norte, nahanapan na ng mapaglilipatan ang mga ‘bakwit.’

Patuloy rin ang kanilang pag-monitor sa mga eskuwelahan kung tinatanggap nitong maging estudyante ang mga batang ‘bakwit.’

Naghigpit naman sa seguridad ang ilang paaralan sa Iligan City na naging kanlungan ng mga lumikas sa kalapit na Marawi. Halos isang oras isinara ang gate ng Iligan City National High School at pinaghintay sa labas ang ang mga estudyanteng hindi naka-uniporme, late enrollees, at mga magulang.

Mayroon ding ilang batang lumikas na ipagpapaliban muna ang pag-aaral hanggang matapos daw ang gulo sa Marawi.

Tinatayang nasa 20,000 estudyante ang apektado ng bakbakan sa Marawi, ayon kay Department of Education Secretary Leonor Briones.

Karamihan sa mga estudyante ang lumipat at nag-enroll sa iba't ibang bahagi ng bansa, pati na sa Metro Manila.

Sa President Corazon Aquino High School sa Baseco, Maynila, mayroon nang 20 estudyanteng galing sa Marawi at maaaring madagdagan pa raw sa pagpapatuloy ng bakbakan. 

Nag-utos naman si Briones sa mga pampublikong paaralan na alisin ang mga kinakailangang dokumento para mas mapadali at mapabilis ang pagtanggap ng enrollment ng mga estudayanteng galing Marawi.

Sa gitna ng krisis sa Marawi, tuloy-tuloy namang nagbibigay ng tulong ang Lingkod Kapamilya sa mga naapektuhan ng gulo.

Kasama ang pamilya nina Norinsah at Faida sa mahigit 2,500 na pamilyang naabot ng Lingkod Kapamilya sa bayan ng Baloi, Lanao del Norte. Nabigyan sila ng libreng bigas at mga de-lata. Sa kasalukuyan, nasa mahigit 6,000 pamilya na ang nabigyan ng tulong ng Lingkod Kapamilya.

Kulang na pasilidad, utang sa dating paaralan, idinulog ngayong pasukan

Nag-ikot sina DepEd Secretary Briones at Manila Mayor Joseph Estrada sa President Corazon Aquino High School na isa sa mga eskuwelahang may pinakamalaking populasyon sa lungsod.

Lumobo sa 3,000 ang estudyante roon, mula sa 2,300 noong nakaraang taon para sa grades 7-12. Inaasahang madadagdagan pa ang bilang ng mga estudyante dahil tuloy-tuloy pa rin ang enrollment hanggang Hulyo.

Kaya naman hiling ng mga estudyante, kung darami pa ang mga mag-aaral, sana'y madagdagan din ang kanilang mga silid-aralan. Sa ngayon kasi, karaniwan nang nagsisiksikan sa isang classroom ang hanggang 50 estudyante.

Kahit naman nagkaroon ng panakanakang ulan, maaga pa ring dumating ang mga estudyante sa pagbubukas ng klase sa H.J. Atienza Elementary School sa Maynila pa rin.

Namigay rin ang Manila Police District ng mga polyetos na may tips para hindi mabiktima ng krimen. Pinaigting din nila ang seguridad sa paligid ng mga campus.

Sa Quezon City, dagdag pasilidad din ang panawagan ng mga mag-aaral at guro sa Batasan Hills National High School kung saan papalo sa 15,000 ang estudyante.

Ambag ng mga pulis sa mga estudyante

Sa Parañaque Central Elementary School, ilang mapalad na estudyante naman ang nabigyan ng bagong bag na may lamang school supplies.

Mismong mga pulis-Parañaque ang nag-ambagan para sa munting regalong layong magbigay inspirasyon lalo sa mga estudyante na magtapos sa pag-aaral.

Sa pangkalahatan, naging maayos ang unang araw ng pasukan, ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Lorenzo Mateo, pinuno ng Oplan Balik-Eskuwela Action Center.

Karamihan naman daw sa mga reklamong isinangguni sa action center ay may kinalaman sa naiwang utang ng ilang magulang sa pribadong paaralan bago inilipat sa pampublikong eskuwelahan ang mga anak. 

Paalala ni Mateo, kailangan pa ring bayaran ng mga magulang ang naiwang utang para hindi na habulin ng dating eskuwelahan.

-- May mga ulat nina Bernadette Sembrano, Raphael Bosano, Anjo Bagaoisan, at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.