Kapitang dawit sa kidnapping at pagsunog ng 2 tao, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2017 05:09 PM | Updated as of Jun 06 2017 01:54 AM

Hindi na nakapalag ang kapitan ng Brgy. Pulong Yantok sa Angat, Bulacan nang arestuhin sa kaniya mismong bahay ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

Idinadawit ang suspek na si Apolonio Marcelo sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Edeltrudes Tan, 59 anyos, at driver nito na si John Jason Ruyo. 

Si Apolonio Marcelo ang itinuturong utak sa pagdukot, pagpatay, at panununog sa isang negosyante at kaniyang driver sa Bulacan.

Base sa imbestigasyon, papunta ang mga biktima sa poultry farm ni Tan noong Marso 25 nang dukutin sila. Natagpuan na lang ang kanilang abandonadong sasakyan sa Norzagaray, Bulacan. May mga tama iyon ng bala at mga bakas ng dugo.

Ayon sa kaanak ni Tan, mag-i-isang linggo ang lumipas nang may tumawag sa kanila at nanghihingi ng $2 milyon, o katumbas ng halos P100 milyon, para matubos ang mga biktima.

Dumulog ang mga kaanak sa PNP-Anti-Kidnapping Group. Nagkaroon naman ng lead ang mga awtoridad nang sumuko ang isang nagpakilalang tauhan ni Marcelo. Kuwento ng sumukong suspek, nagtamo ng sugat ang mga biktima kasunod ng pamamaril habang dinudukot sila. Nasawi sila dahil sa mga tama ng bala. Sinunog daw ang labi ng mga biktima at kalauna’y ibinaon sa lupang pag-aari umano ni Marcelo.

Pinuntahan ng pulisya ang subdivision na pinaglagakan sa labi ng mga biktima. Natagpuan doon ang ilang bahagi ng katawan ng dalawang biktima.

Nahukay ang ilang bahagi ng labi ng mga biktima sa loteng pag-aari umano ng suspek na si Marcelo.
Nahukay ang ilang bahagi ng labi ng mga biktima sa loteng pag-aari umano ng suspek na si Marcelo.

Ayon sa pamilya ni Tan, may utang na P6 milyon sa kanila si Marcelo.

Mariing pinabulaanan naman ng suspek ang mga alegasyon. Giit ni Marcelo, ni minsan daw, hindi siya nadawit sa anumang kaso.

Bukod sa kasong pagdukot at pagpatay, nahaharap din sa kasong illegal possession of firearms si Marcelo dahil nakuha mula sa kaniyang bahay ang mga hindi lisensiyadong baril.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.