KILALANIN: Mga gurong namamangka, nagha-'habal-habal' patungong paaralan

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2018 09:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi biro ang sinusuong na biyahe ng ilang guro para lang makarating sa paaralan at tuparin ang tungkuling linangin ang pag-iisip ng mga mag-aaral.

Isa si John Tan sa 12 gurong namamangka at tumatawid ng ilog para marating ang pinagtatrabahuhang City of Malolos Integrated School sa Isla Babatnin sa Bulacan.

May 20 minuto ang tagal ng biyahe bago marating ang paaralan.

Inamin ni Tan na noong una siyang ipadala sa lugar ay nagdalawang isip siya, lalo at may mga pagkakataong nahihirapan sila sa biyahe.

"Kapag may bagyo, talagang nakakapote kami, basa kami, talagang kailangan ready kami, naka-plastic kailangan 'yong gamit namin," sabi sa ABS-CBN News ni Tan.

Nasa higit 300 mag-aaral ang naka-enroll sa elementarya at high school sa naturang paaralan.

Ayon naman sa principal ng paaralan, 15 lahat ng guro nila pero tatlo lang ang galing sa mismong isla.

Bukod sa Isla Babatnin, napaliligiran din ng tubig ang mga paaralan sa Barangay Masile, Pamarawan, Caliligawan, at Namayan sa Malolos, at kinakailangan ding mamangka ng ilang guro.

Hinahangaan ni Benjamin Paragas, assistant regional director ng Department of Education sa Central Luzon, ang dedikasyon ng mga guro.

"Napakalalim ng kanilang commitment to public service despite the physical condition," ani Paragas.

Ayon kay Paragas, hangad nilang magkaroon ng mga guro na doon mismo nakatira sa mga isla para hindi na kinakailangang dumayo pa.

HABAL-HABAL

Kahanga-hangang dedikasyon din ang ipinamamalas ng mga guro sa Donsol, Sorsogon, na sumasakay ng habal-habal at bumabaybay sa mga delikadong daan para lang marating ang mga paaralan.

Isa sa kanila si Sonia Mojar na principal ng Cabugao Elementary School.

"Noong una nakakatakot pero sanayan lang," ani Mojar.

Dahil nasa P200 ang pasahe sa habal-habal, tuwing Biyernes lang umuuwi si Mojar at ang ilang guro.

Ang principal's office ang nagsisilbing tulugan nila.

Hindi hadlang ang mga kahirapang ito para matupad ng mga guro ang kanilang sinumpaang tungkulin.

"Pagdating dito, masaya na kami, makita mo lang 'yong mga bata, makita mo na sumalubong sa'yo, nagmamano, good morning," kuwento ni Mojar.

Pero mas mahirap ang ganitong situwasyon para sa gurong si Charlene Mendoza dahil walong buwan siyang buntis.

Kuwento niya, minsan ay sumasakit ang kaniyang tiyan sa gitna ng isang oras na biyahe ng habal-habal.

Subalit iba pa rin umano ang pakiramdam na nakapagbibigay ng kaalaman sa mga bata.

"Lalo na kapag natututo sila na alam mong, at the end of the day, may naibahagi ka sa mga bata," ani Mendoza. -- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.