27-M estudyante, balik-eskuwela na; klase sa evacuation centers, dinidiskartehan

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2017 09:59 PM | Updated as of Jun 05 2017 08:33 AM

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na may sapat na classrooms at guro na sasalubong sa halos 27 milyong estudyanteng magbabalik eskuwela bukas.

Nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa Philippine National Police para sa kaligtasan ng mga mag-aaral lalo pa at nakataas ang 'heightened alert' sa ilang lugar ngayon.

Samantala, sunud-sunod na ang pagdating sa bus station ng mga estudyanteng lumuwas mula sa probinsiya.

Mahigpit ang seguridad at may help desk ang PNP para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Bukas din ang hotlines ng Oplan Balik Eskuwela 2017 para sa mga may gustong idulog tungkol sa pasukan.

Narito ang kanilang mga numero: 636-1663; 633-1942; at 0919-456-0027.

Magkakaroon din ng help desk sa mga paaralan.

Klase sa mga eskuwelahang naging evacuation centers, dinidiskartehan

Problemado naman ang mga guro ng Nangka Elementary School sa Lanao del Norte kung paano sila magkaklase bukas.

Nagsilbi kasing evacuation center ang kanilang paaralan para sa mga 'bakwit' na apektado ng bakbakan sa Marawi City.

Maging ang mga magulang na evacuees, nag-aalala kung paanong maipagpapatuloy ng kanilang mga anak ang pag-aaral sa gitna ng kanilang mahirap na kalagayan ngayon.

Bukas, nakatakdang mag-ikot ang Disaster Risk Reduction and Management para malaman kung ilang batang 'bakwit' ang puwedeng mailipat muna sa mga eskuwelahan sa Lanao del Norte at iba pang lugar sa Lanao del Sur upang hindi mapag-iwanan sa kanilang edukasyon.

-- Ulat nina Apples Jalandoni at Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.