ISIS, pinaniniwalaang kinakalaban na rin ng militar sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2017 08:04 PM

Courtesy of AFP

Idineklara ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kasama na ang grupong Islamic State, o ISIS, sa kinakalaban ng gobyerno sa Marawi City at hindi lamang ang grupong Maute.

Mayroon ding tinutugis pang 250 na terorista matapos ang 12 araw na bakbakan sa nasabing lungsod, ayon kay Lorenzana sa isang press briefing Sabado ng hapon.

"Yes, we believe this is ISIS. Normally, the local groups will just scamper away. This group has just holed up there, and they are willing to fight to the last," ani Lorenzana. 

Hindi lang din taga-Gitnang Silangan ang mga natatagpuang patay na banyaga; mayroon na ring taga-Saudi Arabia, India, at Chechnya. 

Matagal nang sinusubukang maghasik ng kaguluhan sa Asya ang ISIS, isang grupong responsable sa mga pag-atake sa malalaking siyudad sa buong mundo.

Gayunpaman, tiniyak ni Lorenzana sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya upang makontrol ang sitwasyon at hindi na makalabas pa sa Mindanao ang gulo. 

Samantala, masusing kinukuwestiyon din ang bawat isang sibilyang nakakalaya mula sa loob ng bakbakan, ngunit ilan sa mga lalaking nahuhuli ng mga awtoridad ay nakikitang patay makalipas ng ilang araw. 

Isang araw matapos salakayin ng mga terorista ang Marawi, noong Mayo 24, naghigpit na sa mga checkpoint papunta at palabas sa siyudad.

Sa parehong araw, isang binata ang nakunan ng news team na umiiwas sa mga sundalo sa checkpoint. 

Nang sitahin siya ng mga sundalo, nakitaan siya ng mga pagkain at barya pinaghinalaan siyang magnanakaw. Nang pagpaliwanagin siya ng pulis, nagdabog ang binata kaya lalo siyang pinaghinalaan. 

Hindi na nasundan ng news team kung saan siya dinala, pero makalipas ang apat na araw, isa sa walong bangkay na nakita sa tabing kalsada ang tugmang tugma sa suot ng lalaking hinuli ng mga awtoridad. 

Isang lalaki naman ang nahuli noong Mayo 26 sa hindi malamang dahilan. Humahagulgol siya at kinuwestiyon sa kapitolyo. 

Makalipas ang ilang araw, lumabas na sa social media ang litrato ng isang bangkay na kapareho niya ng sando at pulseras. 

Ayon kay Armed Forces of the Philippines chief General Eduardo Año, kung may ebidensiyang sundalo ang may gawa nito, paiimbestigahan niya. 

"We need to investigate that. It is not what we do. 'Pag nahuli, pinoproseso," ani Año.

Wala raw sa kapangyarihan ang AFP na gawin ang summary execution kahit pa nasa ilalim ng martial law. 

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.