Grupo ng mga Kristiyano sa Marawi, prinotektahan ng mga Muslim

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2017 10:56 PM

Ikinubli ng isang Maranao ang 71 katao – karamihan ay Kristiyano – sa kanyang tahanan sa Marawi City upang maprotektahan ito mula sa mga terorista. 

Maraming beses umanong kumatok ang teroristang grupo sa tahanan ni Norodin Alonto Lucman ngunit itinaboy niya lamang ito.

Pinangunahan din ni Lucman ang paglabas ng 71 katao sa lugar at tinuruan niya ang mga ito na isigaw ang “Allahu Akbar (God is great)” tuwing dadaan sa mga checkpoint.

Ngunit, tinatanong pa rin sila ng mga miyembro ng teroristang grupo kung may kasama silang Kristiyano. Itinanggi nila ito hanggang sa makapunta sila sa mas ligtas na lugar.

Sa kanilang paglalakad, sumama sa kanila ang 163 pang iba, at nakalabas sa war zone sa loob ng 12 araw.

Ayon kay Lucman, may mga Muslim na itinataya ang kanilang buhay upang maprotektahan ang mga Kristiyanong kaibigan at empleyado.

May grupo rin ng mga Kristiyanong inhinyero na tinulungang makatakas ng mga Muslim.

“May lumabas na ISIS sigaw ng sigaw, sino Christian? Sino Christian? Sabi nila, Walang Christian! Walang Christian! Kumaripas na kami ng takbo," kuwento ng isa sa mga na-rescue na si Diosdado Jamero.

Isa patay, higit 100 sibilyan nailigtas

Isa ang patay habang ilan pa ang sugatan sa mga sibilyang na-rescue ngayong araw sa Marawi City. 

Namatay ang isang 70-anyos na lola nang tamaan ng sniper, at ilan pa sa mga sibilyan ang naiulat na patay sa loob ng war zone. Hindi pa naman nakukuha ang bangkay ng nasabing lola. 

Samantala, mahigit 100 sibilyan ang nakuha ng militar at rescuers ng Local Government Unit (LGU) ngayong araw.

Pero sugatan nang ilabas sa war zone ang isa sa mga sibilyan na si Marjon Danio na may tama ng bala sa kanang hita. 

"Bigla na lang may pumasok na bala sa bintana tapos tinamaan na ako. Pababa ‘yung tama, hindi ko na alam kung sa ISIS ba o sa mga sundalo," kuwento ni Danio.

Muntik na ring tamaan ng sniper ang isa pang sibilyan na si Diosdado Jamero at nakuha pa niya ang balang muntik nang tumama sa kanya.

"Biglang may pumutok, ito dumaan sakin, muntik muntikan na, it was a very scary situation,” ayon kay Jamero.

May mga na-rescue din sa mosque kasama ang Islamic scholar na nakausap pa umano ang Maute.

"Kung totoo man yung dinadala nilang jihad, sana tanggapin ng Allah. Pero sa ganitong panahon na mismo nahihirapan mga kapwa nila Muslim, mapapatawad pa kaya sila ng Allah?” ani Muhammad Moka Tumog.

Sa Barangay Banggolo, nakatawag pa ang isang survivor na si Abdullah Jalal Rascal pero sugatan din ito at nauubos na ang dugo. Hindi naman siya makuha dahil patuloy pa ang bakbakan sa lugar niya.

-- Ulat ni Ron Gagalac at Chiara Zambrano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.