Ex-VP Binay, nakiramay sa pagkamatay ng frat brod sa Resorts World

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2017 01:20 PM

Bise Presidente Jejomar Binay, dumalo sa Veronica Funeral Homes. ABS-CBN News

MANILA – Bumisita si dating Bise Presidente Jejomar Binay sa Veronica Funeral Homes sa Pasay City matapos niyang mapag-alaman na isa ang kasama sa fraternity noong kolehiyo sa mga namatay sa pag-atake sa Resorts World Manila, madaling araw noong Biyernes.

Isa ang bangkay ni Raul Viray, executive ng isang shipping business at brod ng dating bise sa University of the Philippines fraternity na Alpha Phi Omega, sa mga dinala sa punerarya.

Samantala, pumunta rin si Binay, na dati ring alkalde ng Makati, sa Rizal Funeral Homes upang makiramay naman sa pamilya ng mga namatay na doon dinala ang mga labi. Isa rito ang 24-anyos na alumna ng University of Makati.

Ayon sa Resorts World Manila, kanilang sasagutin lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa mga namatay.

Kabuuang 37 na guests at empleyado ang namatay sa pag-atake ng isang 'di pa kilalang lalaki sa entertainment and gaming complex noong Biyernes.

Namatay ang mga ito nang 'di makahinga sa kapal ng usok, matapos sunugin ng suspek ang mga casino tables.

Nagpakamatay naman ang suspek, na sinasabing isang banyaga.