Bayan Patrollers, maagap sa ulat sa 'Resorts attack'

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2017 06:26 PM

Maaga pa lamang nitong Biyernes ay nakapag-ambag na ng maraming mga materyales mula sa eksenang pinangyarihan ng aksidente ang mga Bayan Patrollers. 

Iba't ibang eksena ang ibinahagi nila kaugnay ng pag-atake ng isang gunman sa loob ng Resorts World Manila. 

Sa video na ipinadala ni Bayan Patroller Khevin Futad, nagtatakbuhan at nagmamadaling lumabas ang mga kapwa niya empleyado at mga guest sa basement exit ng Resorts World. 

Habang nagtatakbuhan naman palabas mula sa 5th floor sina Bayan Patroller Ian Christopher at ang kanyang mga kasama, makikita sa kanyang video na madilim at mausok na ang paligid sa loob ng Resorts World Manila. 

Sa kuhang video naman ni Bayan Patroller Mark Lipnica, nakausap niya ang isang lalaki na nakakita umano sa gunman habang nagtatago.

Kuwento niya, nakita nila ang isang lalaking nakaitim at nakamaskara kaya nagtago sila sa kisame.

Mga larawan naman ng loob ng Remington Hotel na katapat lang ng Resorts World Manila ang nakunan ni Bayan Patroller Tikos Low.

May mga taong nakahandusay sa sahig na tila hirap na sa paghinga at may lalaki ring binuhat na gamit ang isang stretcher.

Video naman ng kaguluhan ng mga taong lumabas sa Resorts World nang mangyari ang insidente ang nakunan ni Bayan Patroller Ibarra Siapno.

Hindi naman agad pinalabas ang mga tao sa loob ng Remington Hotel dahil sa lockdown sa kuha ng isang bayan patroller.

Dinig naman ang isang putok sa video na kuha ng isa pang Bayan Patroller mula sa kanyang unit sa The Parkside Villas habang kinukunan ang eksena sa labas ng Resorts World. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.