2 sugatan sa pagsalpok ng truck sa poste

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 08:26 AM

Dalawa ang sugatan matapos sumalpok ang isang 10-wheeler truck sa isang poste sa Pasig, Huwebes.

May bitbit na 500 sako ng feeds ang truck at patungo sana sa Batangas nang sumadsad at maaksidente ito sa Pasig Boulevard, dakong ala-1 ng umaga.

"Nawalan po ng preno, balak ko itabi ko sa gutter... Hindi kinaya, ngayon pinatama ko sa poste, nakaladkad yung poste kaya no choice sa tagiliran bahala na. Iniisip ko kasi may ibang sasakyan na matamaan," kuwento ng truck driver na si Rolando Simbrano.

Nayupi ang harapan ng truck at nabasag din ang windshield, pero masuwerteng nagtamo lamang ng sugat sa tuhod si Simbrano.

Gayunman, nadisgrasya rin ang isang motorcycle rider na sumemplang dahil naman sa lumaylay na mga kable mula sa nakaladkad na poste.

Napinsala rin ang 22-wheeler truck na nasa harapan nito.

Igniit naman ni Simbrano na mabagal lamang ang takbo niya at nasuri naman ang preno bago bumiyahe. Aniya, "Hindi ako makapagpatakbo mabilis, traffic yun eh."

Nagdulot ng matinding traffic ang aksidente at 3 oras hindi nadaanan ang kanto ng Pasig Boulevard papalabas ng C-5 Road.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.