1 patay, 3 sugatan sa banggaan ng tricycle, truck at kotse sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 09:10 PM

Huli sa CCTV ang pagsagi ng kotseng ito sa isang tricycle na nawalan naman ng kontrol at bumangga sa isang paparating na truck. Video courtesy of Brgy. Remedios, Lubao Council.

PAMPANGA—Isa ang patay at tatlo ang sugatan matapos masagi ng isang kotse ang isang tricycle na bumangga sa truck dito sa Jose Abad Santos Avenue, Lubao, Martes ng hapon.

Sa kuha ng CCTV, makikitang parating ang kulay asul na kotse. Ilang saglit pa, nasagi nito ang katabing tricycle na nawalan ng kontrol at napunta sa kabilang daan kung saan parating naman ang isang pulang truck.

Nasapul ng truck ang tricycle at nahati ito sa 3 parte.

Kagaad na itinakbo sa ospital ang mga biktima pero idineklarang “dead on arrival” ang driver ng tricycle na si Mario Manuel.

Inaresto naman ng pulisya ang driver ng kotse na kinilalang si Benedicto Castillo Jr.

Naulila ang limang anak at buntis na asawa ni Castillo, na siya lamang tanging naghahanapbuhay sa kanila.

"Mahirap wala na akong sandalan, 'pag nanganak ako, paano na wala na ako kasama, paano mga gastos ng anak ko,” ani Anable Manuel, asawa ng biktima. 

"Paano yung mga pinsan ko maliliit pa sila, kailangan pa nilang mag-aral. Sana 'yung truck, 'yung sabi niyang pagtulong gawin din niya pati lalo yung sa kotse. Tsaka sa social media, 'wag niyo na husgahan ang Tito ko kasi hindi naman ninyo alam ang nanyari,” ani Raul Macaspac, pamangkin ng biktima.

Aminado ang Barangay Remedios na malimit ang aksidente sa nasabing highway lalo’t malapad na ang daan.

"Magrerequest tayo ng mga concrete barriers para mabawasan ang aksidente,” ani Brenda Paule, kapitan ng Barangay Remedios.

Nakahanda naman daw ang pamilya ng biktima na makipag-areglo sa nakasagi na kotse lalo’t wala naman daw may kagustuhan sa nangyaring aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.