Proyekto para maibsan ang baha, taon pa ang bibilangin

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 09:00 PM | Updated as of May 31 2017 09:19 PM

Tag-ulan na naman kaya asahan na muli ang baha na kadalasang pumaparalisa sa trapiko sa Kalakhang Maynila.

Ang mga proyekto ng gobyerno para maibsan sana ang baha, hindi pa rin natatapos.

“’Yung inaantay natin na interceptor project sa Blumentritt hindi pa tapos," paliwanag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) general manager Tim Orbos.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), nasusunod naman ang schedule sa mga ginagawang proyekto, iyon nga lang, ilang taon pa ang bibilangin bago tuluyang matapos.

May 45 pumping stations ang MMDA pero dahil matatanda na, madaling masira at bumigay.

Basura, sanhi ng mga pagbaha

Patuloy naman ang MMDA sa paglilinis ng mga kanal, estero, at imburnal pero wala ring epekto dahil patuloy rin ang pagtatapon ng basura roon.

Ayon kay Orbos, may mga establisyemento na nagtatapon ng panlutong mantika direkta sa mga kanal. Naninigas ang mantika na nakababara sa mga daluyan ng tubig.

May mensahe rin ang pinuno ng MMDA sa mga pabrika.

“Mga pabrika, tingnan ho natin saan tinatapon iyong kanilang basura… Kapag nilinis namin ang manholes, ang daming mga plywood na nanggaling sa mga construction, buhangin, semento.”

Ginhawa sa ilang madalas bahaing lugar

Siyam ang identified na flood-prone areas ng MMDA.

Ayon sa kanila, may kaunting pagginhawa na kapag bumaha sa Sampaloc, Rizal Avenue, Makati, Maysilo, Boni Avenue, Kalentong, New Panaderos, Shaw Boulevard, Quezon City, Quiapo, at Parañaque.

Kung dati ay lagpas baywang ang pagbaha sa mga nabanggit na lugar, ngayon ay medyo mabilis na raw itong humupa at hanggang gutter na lang ang magiging taas ng baha.

Nanawagan pa rin ng tulong at kooperasyon ang MMDA lalo na sa mga barangay.

"Iyong mga barangay captain na ayaw tumulong sa paglilinis ng ating mga estero, talaga hong dapat kasuhan," ani Orbos.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.