Lolong may 2 tama sa katawan, natagpuan sa palayan

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 09:28 AM

Kuha ng PNP-Bangui

BANGUI, Ilocos Norte - Natagpuan ang bangkay ng isang matandang lalaki sa gitna ng palayan sa Barangay Payac, Bangui, Ilocos Norte Linggo ng gabi.

May dalawang tama ng bala sa dibdib at kanang braso ang bangkay.

Nakilala ito na si Alberto Tolentino, 68.

Ayon sa imbestigasion, nakita ng isang estudyante ang nakahandusay na bangkay sa kasagsagan ng malakas na ulan habang inuuwi nito ang kanyang alagang baka.

"Nag-report sa atin itong nakakita at agad natin pinuntahan sa una ang alam natin ay namatay ito dahil sinasabi ng pamilya na may sakit ito," sabi ni S/Insp. Crispin Simon, hepe ng pulisya ng Bangui.

Nadiskubre na lamang sa funeraria na mayroon pala itong tama ng baril na sanhi ng kanyang kinamtay.

"Nakita ng nag-embalsamo at pinakita rin natin sa doctor positive na tama nga ng baril pero hindi pa natin malaman kung anung kalibre ng baril ang ginamit ng gunman," ani Simon.

Sa follow up ng pulisya, lumalabas na mayroong matagal nang nakakaalitan ang biktima dahil sa lote.

Hindi pa naman pinangalanan ang tinuturong suspek na posibleng humarap sa reklamong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.