Ilang school supplies, nakitaan ng delikadong kemikal

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 06:11 PM | Updated as of Jun 01 2017 12:50 AM

Ilang araw bago ang pagbubukas ng klase sa Lunes, June 5, kinumpiska ng Department of Trade and industry (DTI) ang mga ibinebentang notebook na kulang ang pahina sa dalawang bookstore sa Morayta.

Katuwang ang Food and Drug Authority (FDA) sinuri rin ang mga watercolor, color pencil at crayon. Natuklasan ang mataas na mercury content sa ilang gamit. 

Ayon sa mga awtoridad, kapag patuloy na nae-expose ang isang tao sa mercury, maaari itong magdulot ng problema sa memorya at iba pang neurological disorder. 

Ayon kay Fair Trade Enforcement Bureau Director Ferdinand Manfoste, responsibilidad ng mga retailer at supplier na suriing mabuti ang mga produkto nila bago ito ibenta sa mga kostumer.

Matapos ang pagsusuri, nag-imbentaryo ang mga DTI agent. Dadalhin sa kanilang opisina ang mga nakumpiskang school supply para sa mas malalim na imbestigasyon at bilang ebidensiya na rin.

Bibigyan ng 48 hours o dalawang araw ang mga retailer para magsumite ng detalyadong report. Mula roon, magkakaroon ng mga pagdinig sa korte. 

Kapag napatunayang lumabag sa batas, maaari silang (retailer at supplier) magbayad ng penalty na puwedeng umabot nang hanggang P300,000, depende sa resulta ng imbestigasyon.

Ayon naman sa mga store manager ng dalawang bookstores, ngayon lang nila nalaman na kulang pala sa pahina ang mga notebook. Handa rin silang magbigay ng report at makipagtulungan sa DTI. 

Samantala, hindi masagot ng isang bookstore kung paano lumusot sa kanilang pagsusuri ang mga pangkulay na may mataas na mercury content.

Mariing nagpaalala ang mga ahensiya sa publiko, lalo na sa mga magulang na bibili ng gamit para sa kanilang mga anak, na maging mapanuri at mapagmatyag sa mga school supply.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.