Binahang bayan sa Maguindanao, isinailalim sa state of calamity

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 07:54 PM | Updated as of Jun 01 2017 12:47 AM

3 patay sa pagguho ng lupa sa La Union

Isinailalim na sa state of calamity ang buong bayan ng Kabuntalan, Maguindanao dahil sa lawak ng pinsala ng baha sa 17 barangay nito kung saan apektado ang mahigit 4,000 pamilya.

Kabilang sa napinsala ang 40 ektaryang taniman ng mais at palay.

Sa panayam ng ANC sa alkalde ng Kabuntalan, Maguindanao, sinabi niyang biglaan ang pagbaha sa lungsod at posibleng umabot pa nang hanggang limang buwan bago humupa ang tubig.

Ito na ang ikalimang araw na lubog sa baha ang buong bayan.

Sinasabing mas tumaas pa ang tubig at mas lumawak ang pinsalang dulot ng baha ngayong araw.

Sa kabila nito, hindi pa rin lumilikas ang maraming residenteng piniling manatili sa kanilang mga bahay.

Problemado naman ang mga pampublikong paaralan doon dahil pasukan na sa Lunes pero hindi pa humuhupa ang baha.

Catch basin o tagasalo ng tubig mula sa mga bundok at kalapit na lugar ang Kabuntalan. Pinatindi pa raw ang baha ng pag-apaw ng Tamontaka River at Rio Grande de Mindanao. 

Tatlo patay sa pagguho ng lupa

Dahil na rin sa malakas na ulan nitong mga nakalipas na araw, gumuho ang lupa sa isang malalim na hukay sa Caba, La Union.

Patay ang tatlong lalaking nasa loob ng hukay nang matabunan ito ng rumaragasang tubig at putik.

Posibleng nagmimina raw ang mga biktimang sina Wilfredo Gatchalian Jr., 59 anyos, Bonifacio Rimorin, 54 anyos, at Jonathan Rimorin, 30 anyos, nang gumuho ang lupa.

Pakiusap ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko, huwag magsagawa ng anumang uri ng pagmimina lalo na kung walang karampatang permit at walang tama at ligtas na gamit.

Kahapon, Mayo 30, idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na opisyal nang nagsimula ang tag-ulan sa bansa.

Inaasahang magiging mas maulan ngayong taon kumpara sa nakaraang dalawang taon, kung kailan nakaranas ang bansa ng El Niño. 

Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na maging handa lagi sa ulan. 

-- Ulat nina Jasper Acosta, Justin Aguilar at Kim Atienza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.