3 sasakyan, nagkarambola sa Maynila

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 09:35 AM

Nagkarambola ang 3 sasakyan sa Roxas Boulevard sa tapat ng Diamond Hotel sa Malate, Maynila Martes ng gabi.

Nawasak ang unahan at likurang bahagi ng 2 bagong Hyundai Eon, pati na rin ang unahan ng nakabanggang Nissan van.

Ayon sa isa sa mga driver ng Hyundai na si Wilmar Villanueva, binabaybay nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard at nang sumikip ang daloy ng trapiko ay napahinto sila.

Dito na aniya sila sinalpok ng van makaraan lamang ang ilang sandali.

Galing ng planta sa Laguna ang 2 bagong Hyundai na dadalhin sana sa pier ng Maynila papuntang Cebu.

Kuwento naman ng van driver na si Jonathan Palisok, galing siya ng Cavite at habang nagmamaneho ay bigla umanong huminto ang 2 kotse na kanyang nasa harapan kaya nasalpok niya ito.

Walang nasaktan sa insidente at wala na ring balak magsampa ng kaso ang mga nabangga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.