1 patay, 13 sugatan sa salpukan ng isang bus at truck sa Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 05:15 PM

CAMARINES SUR—Isa ang patay habang 13 ang sugatan matapos sumalpok ang isang pamapasaherong bus sa isang nakaparadang truck dito sa Brgy. Tambo, Pamplona, Martes ng madaling araw.

Patay si Milandro Nieva, tubong Virac, Catanduanes, dahil sa pagkakaipit ng mga pasahero sa kanang bahagi ng bus.

Naka-seatbelt pa umano ang biktima nang madatnan ng rescuers. 

Samantala, 13 ang isinugod sa ospital, kasama ang isang 10 at 8 anyos na bata.

Isang bahay din ang nadamay sa insidente. Ayon sa may-ari ng bahay at truck na si Christopher Espinas. Apat na araw na umanong nakaparada ang minamaneho niyang truck malapit sa kanyang bahay.

Narinig na lang daw niya na may lumagapak at nakita ang dumiretsong truck sa kanyang bahay. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, unang tumama ang bus sa isang punong acacia hanggang sa sumalpok sa truck. 

“Nahulog siya sa may shoulder, nawalan ng control, sumabit sa acacia tree tapos bumangga sa truck,” ani SPO2 Edgar Pampona.

Nakakulong na ang drayber ng bus na si Ernesto Canares, 59 anyos. 

Ayon kay Canares, ngayon lang daw siya naaksidente sa loob ng halos 40 taon ng pagmamaneho. 

Isang taon na lang daw sana ay magre-retiro na siya. 

Nangako ang kumpanya ng bus na kakarguhin ang pinsala sa pangyayari. 

Pero nahaharap pa rin si Canares sa kasong sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injuries, at damage to properties.--Ulat mula kay Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.