Para sa pamilya: Buntis, nagpipilit bumalik sa Marawi para sumaklolo sa naiwang kaanak

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at May 29 2017 12:33 AM

MARAWI CITY - Hanggang sa bukana na lang ng siyudad na ito nakapunta si Princess (hindi niya tunay na pangalan), na balak sanang bumalik sa kanilang tahanan para iligtas ang kaniyang mga magulang at iba pang kaanak. 

Anim na buwang buntis si "Princess" pero lakas-loob itong bumalik sa Marawi para sa kanyang mga kaanak. Patrick Quintos, ABS-CBN News

Anim na buwang buntis si Princess pero lakas-loob siyang nagbalik sa Marawi mula sa Iligan City kahit pa tuloy ang bakbakan ng puwersa ng militar at ng Maute Group sa siyudad.

"Alam mo, kapag kamag-anak mo, nanay mo, tatay mo, lolo mo, lola mo, kahit ano man, harangin ka man, pupuntahan mo iyon," matapang na sinabi ni Princess.

Pero napurnada ang lakad niya dahil hindi na nagpapapasok ang mga awtoridad ng sibilyan sa Marawi bunsod ng patuloy na karahasan doon.

Dahil naharang sa checkpoint, huminto muna si Princess sa gilid ng kalsada sa Barangay Imi, sakop pa rin ng Marawi. Aniya, babalik pa rin siya sa checkpoint para makiusap at magbakasakaling papasukin sa lungsod.

Naghahanda para sa clearing operations ang isang tropa ng sundalo habang patuloy ang bakbakan ng militar at ng mga terorista sa Marawi City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Kuwento ni Princess, na isang tubong-Marawi pero nakabase na sa ibang lugar, umuwi lang siya sa lungsod para magbakasyon.

Nitong Martes, lumabas lang sila ng kaniyang mister sa bahay para mamalengke pero hindi na sila nakabalik dahil nagsimula na ang putukan. 

"Bumili lang ako ng isda. Pauwi na kami tapos nandoon na, hindi na kami makabalik," aniya.

Hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na maisama paalis ng Marawi ang kanilang mga kaanak dahil puwersahan na raw silang pinalabas ng lungsod ng mga awtoridad.

"Hindi na rin sila makalikas doon kasi nandoon 'yung ISIS, tapos nandito 'yung militar," ani Princess.

Ang masaklap pa, paalis na rin pala silang buong pamilya mula sa pagbabakasyon noong araw na sumiklab ang gulo sa siyudad.

Sa mga kaanak muna nila sa Iligan City tumutuloy sina Princess pero hindi aniya siya makatulog dahil ilang araw na silang walang ugnayan sa mga naiwang mahal sa buhay sa Marawi.

"Alam mo, nandoon lang ako sa Iligan pero ang utak ko, ang kaluluwa ko, nandito. Kaya mas maganda na makita ko sila na okay. Kasi para kang hindi makatulog," ani Princess.

Determinado rin si Princess na hindi aalis sa lugar hangga't hindi raw natatapos ang gulo sa bayang sinilangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.