Bangkay ng mga babae, bata, narekober sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 05:30 PM | Updated as of May 28 2017 10:42 PM

Dumarami ang narerekober na bangkay ng mga sibilyang nadamay sa bakbakan ng militar at Maute group sa Marawi. Kabilang ang labi ng mga babae at bata sa mga natagpuan sa lugar na nakaranas ng matinding karahasan.

Walo pang bangkay ang nakuha nitong hapon ng mga tauhan ng Provincial Disaster Group. Kabilang sa narekober ang labi ng apat na lalaki, tatlong babae, at isang bata na nasa 4-5 taong gulang.

Nabubulok na ang isa sa mga bangkay na hinihinalang napatay sa unang araw pa lang ng pag-atake ng Maute. Nakuha rin ang bangkay ng dalawang empleyado ng Mindanao State University.
    
Ayon sa isang civic organization sa Marawi, may mga bangkay pang nakikita ang kanilang mga miyembro sa mga liblib na lugar.

Nagsimula na ring mangamoy ang mga naiwang bangkay. Nakapanlulumo ring kinakain na raw ng hayop ang labi ng mga umano'y napugutang biktima.

Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, mahigit 2,000 pang sibilyan ang naiipit ngayon sa bakbakan sa Marawi. Sa tantiya rin ng ahensiya, mahigit 7,000 pamilya, o katumbas ng mahigit 42,000 indibidwal, ang apektado ng gulo.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.