Babaeng humingi ng ayuda, nagnakaw ng cellphone sa DSWD

Angelo Caballero, ABS-CBN News

Posted at May 28 2017 03:33 PM | Updated as of May 28 2017 04:57 PM

Naaresto ang isang babaeng nakuhanan ng CCTV habang nagnakaw ng cellphone matapos humingi ng tulong sa opisina ng Department of Social Welfare and Development sa Davao City, Biyernes. 
 
Sinamahan ng suspek na si Ana Lea Taboco ang kanyang kapitbahay na humingi ng burial assistance sa ahensya. 

Pero nang makitang walang nakabantay sa cubicle ng isang kawani ng DSWD, pasimpleng kinuha ni Taboco sa ibabaw ng mesa nito ang isang smartphone na nagkakahalaga ng P24,000. 

Nakilala ang suspek batay sa kuha ng CCTV, dahilan para agad siyang madakip. 

Depensa naman ni Taboco, nagawa lang niya ang krimen dahil wala siyang pambayad sa matrikula ng 4 anak. Wala aniya siyang trabaho at hiwalay sa asawa.
 
Sa kabila nito, desidido ang pulisya na kasuhan ng robbery ang suspek. 

Ipinaalala naman ng mga awtoridad sa publiko na huwag iwanan ang mga gamit kung saan-saan. "Kung may opportunity, may magnanakaw talaga," ani Chief Inspector Hamlet Lerios, hepe ng Sta. Ana police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.