SAPUL SA CCTV: Binatilyong naka-bisikleta, 2 beses nabundol

ABS-CBN News

Posted at May 27 2018 07:04 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan ng CCTV ang dalawang beses na pagbangga sa isang binatilyong lulan ng bisikleta sa Maynila noong Miyerkoles.

Sa CCTV ng Barangay 765 sa Maynila, mapapanood ang 16 anyos na lalaking pagewang-gewang magbisikleta sa Topacio Street.

Pagdating sa kanto, nabundol ang binatilyo ng kotse nang iwasan niya ang isang lalaking naglalakad sa kalsada.

Tila hinid ininda ng naka-bisikleta ang pagkabundol, at agad tumayo at kinuha ang bisikleta.

Bumaba pa ang driver ng sasakyan pero dali-daling nagbisikleta palayo ang binatilyo.

Pero pagliko niya sa pagtawid patungong Makati City, muling sumalpok ang binatilyo sa itim na pick-up truck.

Tumilapon ang binatilyo at ininda na ang ikalawang bagsak.

Inalalayan ng tanod ang binatilyo papunta sa barangay hall.

"Hindi siya marunong gumamit ng preno at mag-menor eh so dere-deretso siya kung magpatakbo ng bike," anang kagawad na si Marlon Viñas.

Nagpakilalang taga-Makati ang binatilyo na bumili lang daw ng munggo.

Dinala sa ospital ang binatilyo pero wala naman itong tinamong malalang bali.

Hiniling ng mga kaanak ng binatilyo sa mga nakabangga na mabayaran ang nasirang bisikleta.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.