Mga residente, nangangambang may mga nadamay na sibilyan sa air strikes sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 03:41 PM | Updated as of May 27 2017 08:35 PM

Gobyerno, hindi pa naglalabas ng opisyal na tala ng mga nadamay umano sa bakbakan

Nagkumahog ang ilang naiwang residente sa Marawi City na makalabas ng lungsod matapos ang serye ng pambobomba ng militar kontra sa mga terorista mula sa Maute group.

Nakunan ng video ng ABS-CBN ang nasusunog na mga bahay ilang minuto matapos ang airstrikes ng militar noon Sabado.

Hindi bababa sa apat na bahay ang winasak ng pag-atake, kabilang na ang tirahan ni Lanao del Sur Rep. Jun Papandayan.

Ayon sa sources, pinuntirya ng pambobomba ang mga bahay na pinaniniwalaang pinagkukutaan ng snipers ng Maute.

Sabi ng ilang residente, kani-kaniyang diskarte na silang makaalis ng siyudad dahil baka mapagkamalan daw silang kaanib ng mga terorista.

Kuwento naman ng ibang nakaligtas sa pambobomba nitong Biyernes, ilang bangkay na ang naiwan sa lugar kasunod ng mga pagsabog.

May mga sugatan din mula sa shrapnel na tumama sa kanilang katawan.

Sa tantiya ng isa sa mga sugatan, nasa 40 silang tumatakas sa karahasan nang biglang may sumabog na bomba.

Kasama raw nila noong lumilikas ang ilang bata, senior citizens, at buntis na kababayan.

Pangamba nila, posibleng pumalo sa daan-daan pa ang nasawi dahil marami pa raw ang naiwan sa mga barangay at naiipit sa bakbakan.

Ayon sa militar, may 10 porsiyento ng tinatayang 200,000 na residente pa ang nananatili sa Marawi City matapos ang pagsiklab ng bakbakan nitong Martes. 

Nasa 31 na ang namatay na terorista mula Martes habang 11 sundalo at dalawang pulis naman ang nagbuwis na ng buhay sa operasyon laban sa mga ito. -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.