Leni, ginunita ang kaarawan ng yumaong asawa

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 05:04 PM

Bumisita si Bise Presidente Leni Robredo sa puntod ni dating Interior Secretary Jesse Robredo, sa anibersaryo ng kaarawan nito. Rona Nuñez, ABS-CBN News


NAGA CITY – Puno ng bulaklak ang puntod ni dating Interior Secretary Jesse Robredo sa isang pribadong libingan sa Naga City.

Ginunita noong Sabado ang ika-59 na kaarawan ni G. Robredo. 

Dumalo sa misa noong umaga si Bise Presidente Leni Robredo, kasama ang kanyang ina na si Sally Gerona, mga kamag-anak, kaibigan, at ilang opisyal ng Naga City at Camarines Sur.

Sa mensahe ni Robredo, inalala niya ang iniwang legacy ng asawa, lalo na ang pagiging matino at mahusay na public servant nito. 

Ito raw ang nagsisilbing inspirasyon sa iba na magpamalas din ng husay.

“What set Jesse apart was the fact that he really inspired people to be better and push themselves to the limit,” aniya.

Inilarawan ng bise presidente ang kanyang asawa bilang isang kuripot na tao pagdating sa materyal na bagay, pero hindi sa paniniwala sa kabutihan at sariling kakayahan.

Nasawi si G. Robredo noong Agosto 2012, nang mag-crash ang sinasakyang helicopter sa dagat malapit sa Masbate.