7 'ninja cops', sumuko na

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 11:17 PM

Sumuko na ang pitong wanted na pulis na kinasuhan ng kidnapping, robbery-extortion, carnapping, at planting of evidence ng isang babaeng negosyante.

Humarap nitong Biyernes kay Deputy Director General Ramon Apolinario sina PO3 Luis Hizon Jr., PO2 Michael Huerto, PO3 Jovito Roque Jr., PO3 Michael Angelo Solomon at PO1 Ricky Lamsen, tatlong araw matapos ianunsiyo ang P2 milyong pabuya sa bawat isang suspek. 

Sabado, sumuko na rin sina PO3 Bernardino Pacoma ng Civil Security Group at SPO2 Jerry Dela Torre ng CIDG. 

Dagdag pa ng ama ni PO2 Huerto, biktima ang mga pulis ng frame-up at ang inaakusa sa kanila ay kagagawan umano ng mga drug lord kung saan konektado rin umano ang nagrereklamo.

Una nang inamin sa ABS-CBN News ng nagrereklamong si "Norma" na dati siyang sangkot sa illegal drug trade sa Bilibid dahil nakulong doon ang kaniyang kasintahan na naging tauhan ng kilalang drug lord umano na si Jaybee Sebastian.

Dagdag pa ni Norma, malaya siyang nakakatawag sa kaniyang kasintahan sa Bilibid at nakakakuha ng supply ng shabu sa Chinese na kaibigan sa Bicutan kahit nakakulong na.

Kaya naman, bagama't sumuko, iginiit ng mga suspek na walang kredibilidad ang complainant dahil sa pag-amin nito.

Ayon sa PNP, tututukan nila ang imbestigasyon sa sensitibong kaso.

Bukod sa pitong suspek, hawak din ng PNP Counter Intelligence Task Force ang apat pang pulis na nauna nang na-inquest ng DOJ.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.