Higit 200 kataong walang ID, tinipon sa Davao

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 05:24 PM | Updated as of May 25 2017 11:45 PM

Mahigpit ang seguridad sa ilang lungsod sa Mindanao bunsod ng deklarasyon ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Davao City, nagmistulang warzone ang Barangay 23-C Mini Forest Boulevard Huwebes ng umaga nang sugurin ito ng mga pulis at sundalo.

Pawang kalalakihan lamang ang inimbitahan at tinipon sa covered court ng barangay at hinanapan ng ID.

Ang walang naipakitang identification card at ibang dokumento ay dinala sa Davao City police at kinunan ng mga personal na impormasyon.

Ayon kay Senior Superintendent Alexander Tagum, ang hepe ng Davao police, may natatanggap sila na impormasyon na may taga-Marawi na bago lang dumating sa lugar. Minarapat daw nila itong 'unahan' kaysa malusutan pa ng terorista ang Davao City, bagamat karamihan sa mga residente ng barangay ay may tirahan at kamag-anak din sa Marawi. 

Matapos makunan ng personal na impormasyon ang mga lalaki na walang ID ay pinauwi rin ang mga ito.

Samantala, matao pa rin ang mga pampublikong lugar gaya ng Rizal Park at Davao City Hall.

May mga nagpa-picture pa sa simba tank at mga staff ng Task Force Davao.

Seguridad sa iba pang bahagi ng Mindanao, hinigpitan na rin

Sinimulan na ang implementasyon ng curfew sa Sultan Kudarat mula alas-10 ng gabi hanggang sa alas-4 ng umaga.

Inabisuhan ang mga residente na magdala ng ID sa gabi para may maipakita sa awtoridad na nagbabantay ng checkpoint.

Ayon kay Superintendent Romeo Galgo Jr., tagapagsalita ng Police Regional Office 12, mahigpit nilang ipatutupad ang mga checkpoint para sa kaligtasan ng kanilang mga residente.

Inatasan din ang mga chief of police na gawing 24 na oras ang pagbabantay sa mga checkpoint.

Sa North Cotabato, bukod sa pinahigpit na checkpoint, normal ang sitwasyon sa lalawigan. 

Malayo raw kasi sa lalawigan ang nangyayaring kaguluhan sa Marawi City.

Pero dalawang sundalo mula North Cotabato ang naitalang patay at isa ang sugatan.

Suportado naman ng ilang residente ang pagpapatupad ng martial law sa Mindanao. 

Sa Cotabato City, ipinatupad na rin ang 'no ID, no entry policy'. Umiiral ang curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw. 

Sa General Santos City, mahigpit din ang checkpoint. Pinahihinto ang lahat ng dumadaang sasakyan at motorsiklo at pinabababa naman ang mga pasahero ng pampublikong jeep at bus.

Sa Cagayan de Oro City, naka-full alert ang lungsod at mahigpit ang pagpapatupad ng mga checkpoint sa kalsada.

Isa-isang pinahihinto ng mga pulis ang mga sasakyan na papasok sa lungsod at sinusuring mabuti.

Mahigpit din ang inspeksiyon ng mga bagahe sa mga bus terminal.

Nagpakalat na rin ng mga sundalo sa iba't ibang lugar sa lungsod.

Ayon kay Captain Joe Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division, mas paiigtingin nila ang checkpoint lalo na sa mga posibleng entry at exit points gaya ng mga boundary ng Lanao, Bukidnon at Misamis.

Dalawampu't apat na oras din ang monitoring sa mga CCTV sa lungsod. 
 
Panawagan ng mga awtoridad sa publiko kung makatanggap ng mensahe sa cellphone o kaya sa social media tungkol sa banta ng seguridad, agad itong ipaalam sa mga pulis para maberipika.

Huwag na rin anila itong ipasa pa sa iba para hindi na maghatid ng alarma sa publiko.

-- Ulat nina Hernel Tocmo at Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.