Pagbubukas ng klase sa Mindanao, tuloy pa rin sa June 5

Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 08:23 PM

Walang magiging pagbabago sa araw ng pagbubukas ng klase sa June 5 sa lahat ng paaralan sa Mindanao sa kabila ng deklarasyon ng martial law, ayon kay Department of Education Assistant Secretary Tonisito Umali nitong Miyerkules.

"Sabi ng amin [ni] Sec. Leonor Briones, ganoon pa rin po ang unang araw ng pasukan sa lahat ng ating paaralan sa Mindanao. June 5 po walang pagbabago,” ani Umali.

Paliwanag ni Umali, sinabi rin ni Briones na ang mga paaralan sa mga apektadong lugar gaya ng Marawi City kung saan nagkakaroon ng labanan ay hindi gagamiting evacuation centers ng mga nagsilikas na residente.

Ang provincial capitol at Mindanao State University ang gagawing evacuation centers ng mga nagsilikas, ayon kay Umali.