SAPUL SA CCTV: Mountain bike ng bata, ninakaw

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 11:06 PM

DARAGA—Sa surveillance footage na nakuha noong Lunes sa bayan ng Daraga sa Albay, Bicol, kita ang isang lalaki na nagnakaw ng mountain bike mula sa 12-anyos na bata, na iniwan ang bisikleta matapos maniwala sa panloloko ng salarin.

Nakasuot ng pulang t-shirt ang lalaki, na nakita sa video mula sa closed circuit television (CCTV) system, na sumakay sa isang bisikletang nakaparada sa labas ng tindahan sa Daraga.

Ayon sa 12-anyos na si “Francis”, nagmamay-ari ng ninakaw na bisikleta, nakasalubong niya lang sa kalsada ang lalaki habang nakabisekleta. 

Lumapit daw ito sa kanya, nagpakilala sa pangalang Danny, at sinabihan siyang itabi muna ang sinasakyang bisekleta.

Bigla na lang daw siya nitong inutusan na pumasok sa isang iskinita papunta umano sa bahay nito, para kunin ang susi ng tindahan. 

Sinamahan umano siya papasok ng eskinita, pero iniwan siya nito at lumabas muli sa kalye.

Naghintay si Francis ng ilang minuto, pero hindi na bumalik ang lalaki. Tinangay na pala nito ang iniwang mountain bike.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng mga otoridad ang katauhan ng lalaking nakita sa video. Hinahanap pa ito ng mga pulis.

Panawagan ng mga pulis, ipagbigay-alam agad sa kanila kung sino man ang nakakakilala sa lalaki sa CCTV footage.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.