Bawang, nagmahal; taas-presyo sa kuryente, inumin, nakaumang

ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 06:29 PM | Updated as of May 23 2017 11:47 PM

Maghanda na at baka kailangan ng kaunting higpit ng sinturon dahil tumaas ang presyo ng ilang bilihin, at nagbabadya pang magmahal ang singil sa kuryente, at ng ilang inumin kapag naaprubahan ang panukalang reporma sa buwis.

Nagmahal na ang presyo ng bawang sa Ilocos at mga kalapit na probinsiya.

Sa Vigan Public Market sa Ilocos Sur at maging sa Ilocos Norte, tumaas nang hanggang P180 kada kilo ang presyo ng bawang na dating P150 kada kilo. Naitala rin ang taas-presyo sa Sinait, Ilocos Sur na tinaguriang Garlic Capital of the North.

Umaabot namang hanggang P200 kada kilo ang presyo ng bawang na dati’y P150 kada kilo sa Angeles, Pampanga.

Mas mabenta raw ang bawang galing Taiwan na P240 kada kilo, pero mas malaki kumpara sa lokal na bawang.

Ayon sa ilang nagtitinda, karaniwan nang tumataas ang presyo ng bawang kapag nalalapit na ang tag-ulan kung kailan posibleng mabawasan ang supply.

Presyo ng ilang inumin, nagbabadyang magmahal

Hindi naman malayong sumipa ang singil sa kuryente at presyo ng ilang inumin kapag lumusot ang panukalang reporma sa buwis na magbababa ng personal income tax pero magpapataw naman ng dagdag excise tax.

Kapag nagkataon, posibleng dumoble rin ang kasalukuyang presyo ng powdered drinks na naka-sachet. Ang kapeng 3-in-1 na karaniwang P4, maaaring maging P8 na.

Pati ang sachet ng powdered drink na puwedeng makagawa ng isang litrong inumin, puwedeng madagdagan ng P10 ang kasalukuyang presyo.

Posibleng madagdagan naman nang hanggang P20 ang presyo ng litro ng softdrinks.

Komento tuloy ng Philippine Chamber of Food Manufacturers sa Kamara: Ang mga produktong papatawan ng excise tax ay iyong karaniwang kinokonsumo ng mga Pilipino, at ang buwis na planong ipataw ay isa sa pinakamataas kundi man pinakamataas sa buong mundo.

Singil sa kuryente, posibleng sumipa

Samantala, kinumpirma naman ng Energy Dept. na tatamaan ng dagdag singil sa kuryente ang mga nakatira sa isla na hindi konektado sa grid kapag itinuloy ang dagdag excise tax sa diesel.

Magpapataas din daw ng singil sa kuryente pati ang pagtanggal sa zero VAT exemptions ng mga plantang gumagawa ng kuryente gamit ang tinatawag na renewable energy.

Sa pagtataya ng grupong Bayan Muna, hindi malayong tumaas ng P1.50 kada kilowatt hour ang singil sa kuryente depende pa rin sa dami ng mga plantang pinatatakbo gamit ang langis.

-- Ulat nina Trisha Mostoles at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.