SLEX-Alabang exit, bukas na matapos maisaayos ang tore ng NGCP

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 09:22 AM

MANILA - Binuksan na ngayong Lunes ang Alabang northbound exit ng South Luzon Expressway (SLEX) matapos makumpleto ang pagkukumpuni ng isang tumumbang power transmission line.

Natumba ang Biñan-Muntinlupa transmission line ng National Grid Corporation of the Philippines nitong Abril 29 matapos maapektuhan ng sunog sa mga kalapit na kabahayan.

Linggo pa ng gabi nang maisaayos ang NGCP tower pero hindi kaagad nabuksan sa mga motorista ang SLEX-Alabang exit dahil sa mga nakahambalang na piraso ng crane na pinambuhat sa tore.

Ayon sa NGCP, magtatayo sila ng perimeter fence sa right-of-way clearance ng transmission line upang matiyak na hindi na muling matitirahan ito ng mga illegal settlers na sinasabing dahilan kung bakit ito nasunog.

Umapela rin ng tulong ang NGCP mula sa lokal na pamahalaan upang mabantayan ang mga residente.

Wala namang naging aberya sa suplay ng kuryente dahil inilipat ang linya ng kuryente sa ibang transmission tower.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.