10 dayuhan, tiklo sa paghahakot ng mineral sa Zambales

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 03:56 PM


Naaresto ang 9 Chinese nationals at isang Indonesian dahil sa umano'y iligal na paghahakot ng mga mineral sa lalawigan ng Zambales, anunsyo ng National Bureau of Investigation ngayong Lunes. 

Dinampot ng NBI-Environmental Crime Division ang 10 dayuhan matapos maaktuhan nangunguha ng lahar sand sa bahagi ng Macolcol River sa bayan ng San Felipe. 

Ayon sa NBI, walang mga kaukulang environmental permit mula sa gobyerno ang mga dayuhan. 

Nilabag umano ng mga ito ang ilang probisyon ng Philippine Mining Act of 1995, partikular ang section 103 o theft of minerals. 

Bukod sa lahar, sinasabing iligal din ang pagkuha ng mga suspek ng black sand sa Zambales na ibinibenta sa foreign markets.
 
Na-inquest na ang mga dayuhan sa tanggapan ng provincial prosecutor sa Iba, Zambales.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.